• Pinakamalaking bulaklak sa buong mundo natagpuan sa Indonesia
  • May sukat na 111 (3.6 feet) centimeters ang diameter ng nasabing bulaklak
  • Tinatawag na  Rafflesia manillana ang pinakamaliit na uri ng Rafflesia na matatagpuan naman sa Pilipinas

Isang dambuhalang bulaklak ang natagpuan ng mga environmentalists sa loob ng kagubatan ng Indonesia.

Imahe mula sa West Sumatra BKSDA

Halos apat na talampakan ang lapad ng Rafflesia tuan-mudae ang nakitang sumibol sa kagubatan ng West Sumatra. May sukat na 111 (3.6 feet) centimeters ang diameter ng nasabing bulaklak. Mas malaki iyon sa dating sumibol sa may sukat na 107 centimeters na nakita rin sa parehong lugar ilang taon na ang nakalilipas.

“This is the largest Rafflesia tuan-mudae that has ever been documented,” sabi ni Ade Putra ng Agam Conservation Agency sa Sumatra.

Sabi pa ni Ade Putra, isang linggo lang ang itatagal ng bulaklak at agad na iyong malalanta.

Ang Rafflesia, na ang pangalan ay isinunod sa unang nakadiskubre nitong si British colonialist Stamford Raffles, ay itinuturing na pinakamalaking uri ng bulaklak sa buong mundo. Wala itong dahon o ugat at itinuturing na parasitic bloom dahil dumedepende lang sa isang uri ng baging na kung tawagin ay “Tetrastigma.”

Tinatawag din na “c0rpse flower” ang rafflesia dahil ginagaya nito ang amoy ng nabubulok na laman upang makabighani ng  mga insekto. Sa halip na mga bubuyog, mga langaw ang naaakit nito dahil sa masangsang na amoy.

Imahe mula sa Xinhua

Ang Rafflesia ay matatagpuan lang sa rehiyon ng Southeast Asia, kabilang na ang Pilipinas kung saan sampung uri nito ang dito lang makikita.

Ayon sa Protected Areas and Wildlife sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources, itinuturing na endangered species ang mga rafflesia sa bansa.

Ang malalaking rafflesia sa Pilipinas ay matatagpuan sa Mindanao, samantalang ang mga maliit na uri nito ay nasa Luzon. Tinatawag na  Rafflesia manillana ang pinakamaliit na uri ng Rafflesia.

Imahe mula sa SIUC