Payo ng ophthalmologist: Huwag gumamit ng contact lenses sa gitna ng nararanasang ashfall

  • Huwag gumamit ng contact lenses sa gitna ng ashfall
  • Iwasang tumingin ng paitaas upang hindi mapasukan ng abo ang mga mata
  • Hugasan sa clean running water hanggang 10 minutes ang mata kung napasukan ito ng abo mula sa bulkan

Nagbigay ng ilang tips ang Department of Health (DOH) at ang Philippine Cornea Society (PCS) kung paano mabibigyan ng proteksyon ang ating mga mata sa gitna ng nangyayaring volcanic ash emission dulot ng pagputok ng Bulkang Taal.

Imahe mula sa Tagaytay CDRRMO

Pinayuhan ng DOH at PCS ang lahat, partikular na ang mga residente na nasa high-risk areas, na iwasan muna ang pagsusuot ng contact lenses dahil malaki ang posibilidad na kumapit doon ang mga abong ibinubuga ng bulkan.

Sinabi ng PCS kung ano ang dapat gawin sakaling makapasok sa mata ang mga abo.

“If you feel ash enter your eye, use an eye lubricant to flush it out or wash under clean running water for five to 10 minutes. Rubbing will cause the particle to scratch your eyes,” ayon sa PCS na nagpayo pa na iwasan ang pagtingin nang paitaaas upang hindi pasukin ng abo ang mga mata.

Pinayuhan naman ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo ang publiko na magsuot ng eye goggles o eyeglasses bilang proteksiyon sa mata.

Sinegundahan ni Usec Domingo ang payo ng PCS tungkol sa hindi pagsusuot ng contact lenses sa gitna ng ashfall.

“At this time, we advise you not to wear contact lenses. Kasi pwedeng dumikit sa contact lenses yung abo and then it will irritate your eyes. Ang inaadvise din ng mga opthalmologist–do not look up. Iyon kasing eye lashes natin meron syang proteksyon sa mata. So, pag nagfa-fall yung abo, naproprotektahan, pero pag tumingin ka sa taas pwedeng dumiretso sa mata mo,” paliwanag ng DOH official.

Imahe mula sa Eye Doctor PH

Dapat umanong magpakonsulta sa doktor ang sinumang nakararanas ngayon ng mga sumusunod: eye redness, itchiness, foreign body sensation, burning sensation, dry eyes at kung may ash particles sa mata.

“See a doctor if your eye becomes red and painful, or if your vision becomes poorer. Corneal abrasions and infections can be sight-threatening,” sabi ng PCS.