• Naglaan ng P2 bilyon ang PAGCOR para sa pagpapatayo ng permanent evacuation centers sa iba’t ibang panig ng bansa
  • Labing-isang calamity-prone areas ang natukoy ng ahensya para pagtayuan ng evacuation centers
  • Namahagi ang PAGCOR ng relief packs sa 4,000 pamilyang nasa evacuation centers sa Batangas at Cavite

Naglaan ng pondo na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa pagpapatayo ng mga permanent evacuation centers sa iba’t ibang panig ng bansa.

Imahe mula sa Municipal government ng Gerona, Tarlac

Ang proyekto ay isa sa mga pangunahing plano ng ahensya upang maisakatuparan ang mandato nito na maiangat ang buhay ng mga Pilipino.

Ayon sa ahensya, itatayo ang Multi-purpose Evacuation Center sa mga calamity-prone areas sa bansa upang magamit ng mga mamamayang maaapektuhan ng mga kalamidad. Maaari ring magamit ang mga ito sa iba pang mga aktibidad na pangkomunidad.

Sa ngayon ay may labing-isang lugar na ang natukoy ng ahensya na maaaring pagtayuan ng mga multi-purpose evacuation centers.

“Following ocular inspections and evaluation of the locations identified as calamity-prone, PAGCOR submitted the list of the areas to the Department of Public Works and Highways to ascertain the implementation of the project,” ayon sa ahensya.

Imahe mula sa PAGCOR

“This is the latest development in one of the agency’s major plans in fulfillment of its mandate to help uplift the lives of the Filipinos,” dagdag pa nito.

Samantala, nagtungo ang PAGCOR sa 11 temporary evacuation centers sa Batangas at Cavite para mamahagi ng mga relief goods sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Umabot sa apat na libong pamilya ang nabahaginan ng mga relief packs na naglalaman ng mga non-food items tulad ng kulambo, kumot, tsinelas, sabong panligo at hygiene kits.

Ilan sa mga empleyado ng PAGCOR ang nag-donate ng mga used clothings, bigas at tubig.

Imahe mula sa PAGCOR