• Posibleng tumagal pa ang pag-aalboruto ng Bulkang Taal
  • Sinabi ng PHIVOLCS na batay sa eruption history ng Taal ay posibleng tumagal ito ng mula tatlong araw hanggang pitong buwan
  • Nakapagtala na ang ahensya ng 212 na pagyanig simula pa noong ika-12 ng Enero

Bukod sa inaasahang mga panganib na kaakibat ng pagsabog ng Bulkang Taal, ang worst case scenario na nakikita ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay ang posibilidad na tumagal pa ang eruption activity nito ng ilang araw o buwan.

Imahe mula sa CDRRMO

Ito ay batay umano sa eruption history ng Taal.

Noong Lunes, ika-13 ng Enero ay sinabi ni PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division chief Mariton Bornas na nananatiling nasa Alert Level 4 ang Taal na ang ibig sabihin ay may posibilidad na magkaroon ng mas mapanganib na pagsabog sa loob lang ng ilang oras o araw.

Ayon kay Bornas, maaaring tumagal ang eruption activity ng bulkan ng hanggang tatlong araw katulad ng nangyari noong 1911 at maaari rin namang tumagal ito ng hanggang pitong buwan katulad noong 1754.

“It could be short, it could be long. Hopefully, short lang kasi malaking dagok po iyan sa mga kababayan natin sa Batangas,” pahayag ni Bornas sa isang press conference.

Sinabi naman ng PHIVOLCS chief na si Undersecretary Renato Solidum na minomonitor pa ng ahensya ang mga posibleng panganib ng bulkan at, aniya, ang mga worst case scenarios ay maaring mangyari kung ang danger level ng bulkan ay tataas sa level 5.

Imahe mula sa CDRRMO

Dagdag pa niya, tuluy-tuloy pa rin ang mga pagyanig na nararamdaman habang ang magma ay patuloy na umaakyat sa bunganga ng Taal na magreresulta sa marami pang volcanic explosi0ns. Nakapagtala na ang ahensya ng 212 na pagyanig simula pa noong Linggo, ika-12 ng Enero.

“Such intense seismic activity probably signifies continuous magmatic intrusion beneath the Taal edifice, which may lead to further eruptive activity,” sabi ni Usec. Solidum.