• Manny Pacquiao, ang kaisa-isang boxer na may hawak na world titles sa apat na magkakaibang dekada
  • Mula sa mga dekadang 1990s, 2000s, 2010s at ngayong 2020s ay humawak ng world title ang Pambansang Kamao
  • Ngayong 2020, matunog ang balita na si Danny Garcia ang makakalaban ni Pacquiao, pero posible rin na magkaroon sila ng rematch ni Mayweather

Gumawa ng kasaysayan si Manny Pacquiao sa larangan ng boksing bilang ang kaisa-isang boksingero na may hawak na world titles sa apat na magkakahiwalay na dekada.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

Ngayong 2020 ay narating niya ang ika-apat na dekada ng  kanyang professional boxing career bilang isang world champion. Ang pambihirang nagawa ni Pacquiao ay maaaring hindi na muling mapantayan.

Mula sa mga dekadang 1990s, 2000s, 2010s at ngayong 2020s ay humawak ng world title ang Pambansang Kamao.

Kasalukuyang hawak ni Pacquaio ang titulo bilang World Boxing Association Super World welterweight champion matapos niyang agawin ang korona mula kay Keith Thurman, na sampung taong mas bata sa kanya, sa pamamagitan ng split decision noong July ng nakaaraang taon.

Noong dekada 1990s, nakuha ni Pacquiao ang kauna-unahan niyang world title nang talunin niya sa puntos si Chatchai Sasakul para sa WBC Flyweight belt noong April 1998.

Ang pinakamatagumpay niyang dekada ay noong 2000s kung kailan nakuha niya ang championship belt sa super featherweight, lightweight, light welterweight at welterweight. Dahil sa kanyang mga tagumpay ay hinirang siya noon bilang Fighter of the Decade.

Nang magsimula ang 2010s, ang tinaguriang fighting senator ang naging kaisa-isang boksingero na naging kampeon sa walong magkakaibang weight divisions matapos niyang talunin si Antonio Margarito noong November 2010 para hiranging World Boxing Organization junior middleweight champion.

Subalit sa naturang dekada – mula 2012 hanggang 2017 – ay nakalasap si Pacquiao ng apat na talo, kabilang ang pagkatalo niya kay Floyd Mayweather, Jr.

Magbuhat nang matalo siya kay Mayweather ay inakala ng marami na tapos na ang boxing career ni Pacquiao, subalit sa loob ng huling dalawang taon ng dekada ay napatunayan niyang mayroon pa siyang ibubuga.

Ngayong 2020, matunog ang balita na si Danny Garcia ang makakalaban  ni Pacquiao, pero posible rin na magkaroon sila ng rematch ni Mayweather.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao