• Mas mabigat na parusa ang nais ni Senator Ralph Recto sa sinumang magbebenta ng sin products sa mga menor de edad
  • Multang hanggang P500,000 at pagkakakulong ng hanggang 12 years ang nais ng senador na parusa sa mga lalabag
  • Hindi epektibo ang umiiral na batas para makontrol ang bentahan ng mga sin products sa mga kabataan

Ang sinumang indibidwal o business establishment na mahuhuling nagbebenta o namamahagi ng mga produktong alkohol at tabako, na mas kilala sa tawag na “sin products,” ay mahaharap sa mabigat na parusa sa ilalim ng panukalang batas na inihain sa Senado.

Imahe mula sa Panay News

Ang Senate Bill No. 1208 na tinatawag na “Protection of Minors from Sin Products Act” ay inihain ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto upang mailayo ang mga kabataan sa panganib na dala ng mga sin products kabilang ang “vape.”

Sinabi ni Senator Recto na bagaman at may mga umiiral na batas para makontrol ang paggamit at bentahan ng alkohol at tabako, hindi umano epektibo ang mga iyon na pigilan ang bentahan at pagkonsumo ng mga sin products.

Aniya, ang pagpapataw ng mas mabigat na kaparusahan laban sa sinumang magbebenta ng mga sin products sa menor de edad ay kinakailangan upang mabigyan ng kaukulkang proteksyon ang mga kabataan.

Sa ilalim ng panukala ni Sen. Recto, ang sinumang indibidwal o establisimyento na mahuhuling lalabag ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000. Ngunit hindi hihigit sa P500,000 at makukulong nang hindi bababa sa anim na taon, subalit hindi lalampas sa  labindalawang taon.

Imahe mula kay Sen. Ralph Recto

Kung sakaling isang business establishment ang lalabag, ang parusang pagkakakulong ay ipapataw sa manager, representative, director, ahente o kawani nito.

Dagdag pa sa mabigat na parusa, babawian ng lisensya o permit ang mga business establishments na mahuhuling lalabag.

Ang panukala ni Sen, Recto ay mas may pangil kumpara sa umiiral na Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2003 nagpapataw lang ng P5,000 multa at hanggang 30 araw na pagkakapiit.

Imahe mula sa Abante