• Mga pribadong motorista na may dalang relief goods para sa mga Taal evacuees bibigyan ng libreng single exit pass sa SLEX at STAR
  • May ilang designated areas na tinukoy ang Tollway operator kung saan makakakuha ng free exit pass
  • Isang Toll Supervisor ang mag-iisyu ng free single exit pass matapos niyang inspeksyunin ang sasakyan kung may dalang relief goods

Ang mga pribadong motorista na may dalang relief goods para sa mga nasalanta ng Taal Volcano eruption ay bibigyan ng free single exit pass sa South Luzon Expressway (SLEX) at sa Southern Tagalog Arterial Road (STAR).

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa isang Twitter message ay idinetalye ng operator ng SLEX Tollways kung paano makakakuha ng free single exit pass ang isang pribadong motorista.

“Free Single Exit Pass for Private Vehicles Carrying Relief Goods for Taal Operations. To facilitate the free passage, vehicles must follow the following steps,” tweet ng @OfficialSLEX.

Ayon sa tollways operator, upang makakuha ng free single exit pass ay kailangang huminto ang motoristang may dalang relief goods sa ilang designated areas.

Sa SLEX southbound, makakakuha ng free pass sa Petron Silangan/KM 44;  Mayapa entry; Batino entry at sa Calamba/Real entry.

Sa STAR southbound naman ay sa Sto. Tomas entry makakakuha ng libreng exit pass. Sa STAR northbound naman ay sa Batangas entry; Ibaan entry; Lipa entry; Toribio entry; Malvar entry at sa Tanauan entry.

Screenshot ng tweet ng SLEX-MaTES

Isang Toll Supervisor ang mag-iisyu ng free single exit pass matapos niyang inspeksyunin ang sasakyan kung may dalang relief goods. Kukuha rin ito ng ilang detalye mula sa motorista tulad  ng plate number, lugar na pinanggalingan at lugar na pupuntahan.

Sa Cash Lane dapat lumabas ang mga pribadong motorista na mabibigyan ng free exit pass kung saan nila iyon isu-surrender.

Pinag-iisipan pa kung ililibre din sa toll fee ang mga pabalik na sasakyang naghatid ng relief goods.

Imahe mula sa Twitter account ni Nikkypot