• Isang inhinyero ang nagtuturo sa pamamagitan ng isang workshop kung paano gumawa ng solar bottle lamps
  • Ang mga mabubuong solar bottle lamps ay ido-donate sa Taal evacuees
  • Maaari rin na gawing pangkabuhayan ang kaalaman sa paggawa ng nabanggit na lampara

Isang inhinyero ang magsasagawa ng workshop para sa mga nais matutong gumawa ng tinatawag niyang solar bottle lamp.

Imahe mula kay Engr. Ed Brisenio

Si Engineer Edmund “Ed” Brisenio ay isang systems engineer ng isang US-based information technology company at isang advocate ng renewable energy, partikular na ang paggamit ng solar energy o ang enerhiya mula sa araw.

Bumuo si Engr. Brisenio ng isang grupo na makakasama niya sa paggawa ng mga solar bottle lamps na ipamamahagi sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal. Aniya, may ilang mga tao na rin ang nag-donate sa grupo ng mga rechargeable batteries na ginagamit sa lampara.

Ang workshop ay ginanap nitong Sabado, ika-25 ng Enero, mula alas-nuwebe ng umaga hanggang ala-una ng hapon sa Holy Child Angels Learning School 19281 Sampaguita Street, Moonwalk , Better Living Subdivision, Paranaque City.

Ang registration fee ay P150 para sa mga materyales o kaya naman ay maaaring magdala na lang ng mga kakailanganin sa paggawa nito tulad ng 1W Solar Panel, 9013 Transistor, 20k Ohms Resistor, 1N4001 Diode, 1W LED at 18650 Lithium Ion battery.

Imahe mula kay Engr. Ed Brisenio

Pinagdala rin ang mga lumahok sa workshop ng sarili nilang tools gaya ng soldering iron, soldering lead, long nose pliers, soldering stand, extension cord, glue gun at clean PET bottles.

Ang lahat ng magagawang lamps sa workshop ay ido-donate sa Taal evacuees.

Sa mga hindi makapupunta sa workshop, sinabi ni Engr. Brisenio na maaring panoorin sa kanyang YouTube channel na “Edmund Brisenio” kung paano gawin ang solar bottle lamp.

Ang isang fully-charged solar bottle lamp ay maaaring gamitin buong magdamag. Ang illumination daw nito ay parang sa isang kandila. Bukod sa mas ligtas ay maaari pang paulit-ulit na gamitin ang lampara sa pamamagitan ng pagbilad nito sa araw upang ma-recharge ang baterya.

Imahe mula kay Engr. Ed Brisenio

Ibinahagi pa ng inhinyero na ang layunin ng pagsasagawa ng orientation ay hindi lang para makapag-donate sa Taal victims kundi upang magkaroon din ng livelihood ang mga interesadong matuto. Ang isang solar bottle lamp ay naibebenta sa halagang P250 bawat isa.

Bukod pa roon, makatutulong pa ito sa environment dahil ang mga pet bottles ay napakikinabangan sa halip na itapon na lang.

Source :

Facebook