• Asi Taulava gagawa ng kasaysayan sa PBA 2020 Season
  • Sa pagpirma niya ng bagong kontrata sa NLEX ay magiging kauna-unahan siyang player na nakapaglaro sa 4 na iba-ibang dekada
  • Si Taulava rin ang magiging pangalawa sa pinakamatandang player na naglaro sa PBA kasunod ni Robert Jaworski na huling naglaro sa edad na 51

Gagawa ng kasaysayan si Pauliasi “Asi” Taulava sa Philippine Basketball Association (PBA) bilang kauna-unahang basketball player sa liga na nakapaglaro sa apat na iba-ibang dekada.

Imahe mula sa Twitter account ni Asi Taulava

Inaasahang pipirma ng bagong kontrata ang 6 foot 9 inches Filipino-Tongan professional basketball player sa koponan niyang NLEX Road Warriors ngayong 2020 season ng PBA.

Sinabi ni NLEX coach na si Yeng Guiao na pinag-uusapan na lang ng Road Warriors ang terms ng bagong kontrata ni Asi Taulava, partikular na kung gaano iyon kahaba na posibleng maging daan para siya ang maging kauna-unahang PBA player na nakapaglaro sa apat na iba-ibang dekada -1990s, 2000, 2010, at 2020.

“Most likely, he will return. We are still determining, are we going to give him a conference, a half-year contract, or a full-year contract? ‘Yun din ang ine-evaluate namin,” sabi ni coach Yeng Guiao matapos ang practice ng koponan sa FCL Center noong Huwebes,ika-23 ng Enero.

Hindi paman naisasapinal ang bago niyang kontrata ay naghahanda na si Taulava, na tinatawag ding Man Mountain, sa parating na PBA season. Todo-praktis siya kasama ang mga teammates ngayong offseason.

Imahe mula sa Facebook account ni Asi Taulava

Sa kasalukuyan ay siya ang pinakamatandang player sa PBA sa edad na 46 years old. Siya rin ang magiging pangalawang pinakamatandang manlalaro sa PBA kasunod ng tinaguriang “The Living Legend” na si Robert Jaworksi na huling naglaro sa edad na 51.

Si Asi Taulawa ay nagsimulang maglaro sa PBA noong taong 1999. Tinanghal siyang PBA Most Valuable Player noong taong 2003 noong magkampeon ang dati niyang koponan na Mobiline Phone Pals (Talk N’ Text na ngayon) sa 2003 All-Filipino Cup kung saan siya rin ang itinanghal na Best Player of the Conference at Finals MVP.

Imahe mula sa Facebook account ni Asi Taulava