• Isang 1,200-year-old na “alkansiya” ang nahukay ng mga arkeologo sa Israel
  • Pitong gold coins ang laman ng “alkansiya”
  • Ang isa sa barya ay isang gold dinar sa panahon ni Caliph Harun al-Rashid, na naghari sa pagitan ng 786-809 AD

Isang tinatayang 1,200-year-old na  “alkansiya” na naglalaman ng pitong gold coins ang nahukay ng mga archaeologists sa Israel.

Imahe mula sa Israel Antiquities Authority

Sa pahayag ng Israel Antiquiities Authority, ang mga gintong barya na mula pa raw sa early Islamic period ay natagpuan sa isang basag na clay juglet sa ginawang paghuhukay sa city of Yavne sa central Israel.

Lumitaw sa excavations ang malawak na industrial area na pinaniniwalaang naging aktibo nang ilang daang taon.

Ayon sa mga Israeli archaeologists, ang nahukay na clay juglet ay posibleng personal na alkansiya ng isang clay pot maker.

Ang isa sa barya ay isang gold dinar sa panahon ni Caliph Harun al-Rashid, na naghari sa pagitan ng 786-809 AD. Sa buhay ni Caliph Harun al-Rashid ibinase ang popular na istoryang “Arabian Nights” na kilala rin bilang “One Thousand and One Nights.”

“These gold dinars were issued by the Aghlabid dynasty that ruled in North Africa, in the region of modern Tunisia, on behalf of the Abbasid Caliphate centered in Baghdad,” ayon sa mga arkeologo.

Imahe mula sa Israel Antiquities Authority

Napakaraming pottery kilns o patuyuan ng mga palayok ang nadiskubre sa malawakang excavations. Ang mga hurno ay pinaniniwalaang ginamit sa panahong patapos na ang Byzantine empire at pasimula naman ang early Islamic period.

Ang mga pottery kilns ay ginamit sa commercial production ng mga store jars, cooking pots at mga tasa. Ang mga gold coins na nasa loob ng clay juglet ay natagpuan malapit sa pasukan ng mga hurno.

Sa ibang bahagi ng excavation site ay nahayag naman ang isang malawak na pagawaan ng alak kung saan nadiskure ang mga buto ng ubas. Maraming talyasi rin ang nahukay na nagpapahiwatig na maramihan ang produksyon ng alak doon.

Imahe mula sa Israel Antiquities Authority

Source :

Xinhua, PNA