• Isang truck na may kargang walong libong kilo ng fossilized giant clams ang nasabat sa Cagayan de Oro City
  • Aabot sa P48 million ang halaga ng mga taklobo
  • Nadiskubre ang mga giant clams matapos sitahin sa checkpoint ang truck driver dahil walang suot na seatbelt

Hindi bababa sa walong libong kilo ng fossilized giant clams o taklobo ang nasabat ng mga awtoridad sa isang checkpoint sa Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City noong Martes ng gabi, ika-3 ng Disyembre.

Imahe mula sa PNA

Ayon kay Lt. Col. Alexy Sonido, hepe ng City Mobile Force Company, pinara ng mga pulis na nagmamando sa checkpoint ang isang wing van matapos maispatan na walang suot na seatbelt ang driver.

Habang iniisyuhan ng citation ticket ang truck driver ay ininspeksyon ng mga pulis ang loob ng truck kung saan natagpuan ang sampung tao at sako-sako ng mga taklobo. Dadalhin umano ang mga taklobo sa bayan ng Initao sa Misamis Oriental kung saan naghihintay ang isang buyer.

Tinatayang aabot sa P48 million ang halaga ng nasabat na giant clams batay sa buying price na P6,000 per kilo.

Dinakip ng mga awtoridad ang driver at ang mga kasama niya dahil wala silang maiprisintang dokumento na nagsasabing awtorisado sila para ibiyahe ang mga taklobo.

Sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 10 Assistant Director Teodoro Bacolod Jr. na kakasuhan ang mga suspek sa paglabag ng Philippine Fisheries Code.

Imahe mula sa Davao Today

Bukod sa asunto, nais din ng BFAR na pagmultahin ang mga nahuling suspek ng limang milyong piso.

“We want to teach them a lesson that they cannot just take our fisheries laws for granted. They have to pay the price,” sabi ni Bacolod.

Pansamantalang inilagak ang mga nakumpiskang taklobo sa BFAR-10 regional compound sa Barangay Macabalan sa Cagayan De Oro City.

Source :

PNA, Philstar