• Tone-toneladang frozen poultry meat mula sa China nasabat sa Navotas City
  • Pinangunahan ng NMIS ang pagkumpiska sa mga frozen meat
  • Umabot sa 1,054 boxes, na naglalaman ng hanggang 12 kilos bawat isa, ng mga frozen poultry meat ang nakumpiska ng NMIS

Isang container van ang nasabat ng mga awtoridad sa Barangay San Rafael sa Navotas City na naglalaman ng mahigit isanlibong kahon ng mga frozen meat galing sa bansang China. Tumitimbang ng hanggang 12 kilos ang bawat kahon ng mga karne.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Miyerkules ng gabi, ika-11 ng Disyembre nang harangin ng mga tauhan ng enforcement team ng National Meat Inspection Service (NMIS) mula sa National Capital Region office, na pinangunahan ni Dr. Isidro Callangan, ang nasabing container van matapos makatanggap ng impormasyon na magbabagsak ng mga frozen meat mula sa China sa nabanggit na lugar.

Nadiskubreng naglalaman ang mga kahon ng iba’t ibang parte ng peking duck, duck liver, at black chicken.

Umabot sa 1,054 boxes ng mga frozen poultry meat ang nakumpiska ng NMIS. Walang naiprisintang import permit ang driver ng container van. Hindi umano alam ng driver kung ano ang laman ng mga kahon.

Sinabi ni Dr. Callangan na hindi talaga iniisyuhan ng import permit kapag sa China manggagaling ang mga inaangkat na karne. Aniya, may mga animal diseases na patuloy na umiiral sa China tulad ng African Swine Fever at Avian flu kaya naman patuloy na ipinatutupad ang ban sa  pagpasok ng mga karne galing sa nasabing bansa.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Inaalam na ng NMIS ang pagkakakilanlan ng may-ari ng warehouse kung saan ibinagsak ang mga frozen poultry meat. Posible umano itong kasuhan ng paglabag sa meat inspection code.

Payo ng NMIS sa publiko, maging mapanuri sa mga binibiling karne sa mga palengke o sa supermarket lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.

Screenshot mula sa ABS-CBN video