• Ang pagtatanim ng kamote ay may potensyal na magbigay ng malaking kita sa mga magsasaka
  • Malaki ang nalulugi sa mga magsasaka dahil sa mano-manong paraan ng pag-aani
  • Dapat umanong gumamit ng mechanized harvester ang mga farmers ng kamote upang maiwasan ang pagkalugi

Malaki ang potensyal na kumita ng malaki ang mga magsasakang magtatanim ng kamote, ayon sa Philippine Center for Postharvest Developmet and Mechanization (PHilMech).

Imahe mula sa Asenso, Bayan Facebook page

Sinabi ng PHilMech na kung maayos na matutugunan ng mga magsasaka ang postharvest issues sa kultibasyon ng kamote ay maiiwasan ang pagkalugi at siguradong kikita sila nang malaki.

Batay sa ginawang pag-aaral ng PHilMech hinggil sa kamote cultivation, ang nalulugi sa postharvest ng kamote ay tumatakbo sa pagitan ng  31.21 percent hanggang halos 33 percent dahil sa hindi epektibong pamamaraan ng pag-aani ng mga ito – ang mano-manong paraan na kailangan ng maraming taga-ani.

Kinakailangan ng mula 30 hanggang 50 tao tuwing anihan ng kamote bawat araw sa loob ng dalawang araw sa isang ektaryang taniman ng kamote.

Dahil sa mano-manong pag-aani ay malaking bahagi ng ani ang napipinsala. Ang mga damaged harvest ay naibebenta lang sa mas mababang halaga sa mga pamilihan.

Maiiwasan umano ang pinsala sa mga kamote kung gagamit ng mechanized harvester ang mga kamote cultivators.

Imahe mula sa Facebook page ng BAR

“With this concern, the harvesting operation of sweet potato can be mechanized using an efficient mechanical root crop harvester that can eventually reduce labor requirement and losses on uncollected roots,” ayon sa pag-aaral ng PHilMech na pinamagatang “Assessment of the Postharvest Handling Systems of Fresh Sweet Potato.”

Ayon sa PHilMech, ang kamote ang ikapitong pinakaimportanteng root crop sa buong mundo at ikatlo sa pinakaimportante sa Pilipinas kasunod ng bigas at mais. Sa mga tropical at sub-tropical na bansa ito karaniwang itinatanim, partikular na sa mga lupaing hindi gaanong produktibo.

Imahe mula sa PHilMech

Sa kanilang pag-aaral, sinabi pa ng PHilMech na tuwing anihan, ang mga talbos ng kamote ay karaniwang pinababayaan na lang na mabulok o kaya naman ay sinusun0g. Maaari umanong gawing feeds o feed supplement para sa mga kalabaw at baka ang talbos ng kamote. Tinatayang aabot sa 18 tonelada ng talbos ng kamote ang makukuha sa isang ektarya ng taniman.

“I would consider this study on the possible postharvest interventions needed for sweet potato as pivotal, as lessened postharvest losses for the crop will help improve the quality and quantity of kamote available for the market,” pahayag ni PHilMech Executive Director Dr. Baldwin G. Jallorina Jr.