• Police patrol car, nilagyan ng clamp dahil sa traffic violation sa Cagayan de Oro City
  • Pumarada sa no parking area ang patrol car
  • Nagmulta ng P1,500 ang Philippine National Police Regional Office-Northern Mindanao dahil sa violation

Isang patrol car ang nilagyan ng clamp matapos itong makitang nakaparada sa “no parking” area sa Cagayan de Oro City noong Miyerkules, ika-18 ng Disyembre.

Screenshot mula sa video ng TV patrol Northern Mindanao

Ang patrol car na mula sa Regional Police Community Relations Division ng PNP Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) na nakabase sa Camp Alagar sa Lapasan, Cagayan de Oro City ay nilagyan ng clamp ng mga tauhan ng Road and Traffic Administration ng siyudad matapos pumarada sa kahabaan ng Cruz-Taal Street.

Nakaparada umano ang patrol car sa loob ng “yellow box.” Ipinapahiwatig ng yellow box na dapat ay walang anumang obstruksyon sa lugar na iyon.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang PRO-10 hinggil sa insidente at pinagpapaliwanag ang police officer na driver ng patrol car na na-clamp kung bakit nito nilabag ang isang basic road regulation, ayon sa PRO-10 spokesperson na si Lieutenant Colonel Mardy Hortillosa.

Ayon pa kay Hortillosa, kung sakaling may tamang rason ang senior master sergeant na driver ng patrol car ay paaalalahan lang ito tungkol sa mga traffic rules. At kung may sapat na dahilan upang ito ay maparusahan, possible umano itong suspindehin.

Screenshot mula sa video ng TV patrol Northern Mindanao

Nauna nang iginiit ng pulis na hindi niya napansin ang “yellow box.”

Ang patrol car ay naibalik na sa PRO-10 headquarters matapos mabayaran ang P1,500 na penalty sa violation.

Paliwanag ni Hortillosa sa ginagawang imbestigasyon, hindi nila kinukunsinti ang mga kamalian mula sa kanilang hanay dahil sila umano ang dapat na nagpapatupad ng katahimikan at kaayusan.

Source :

Sunstar, CDODev