• Panukalang P20 na buwis kada kilo ng plastic bag, aprubado ng House Committee on Ways and Means
  • Layunin ng panukala na mabawasan ang paggamit ng single-use plastics
  • Kailangang pumasa sa dalawa pang pagbasa sa House of Representatives at maaprubahan ng Senado bago ipadala ang panukala sa Malacañang para pirmahan ng Pangulo upang maging ganap na batas

Inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang panukalang patawan ng P20 na buwis ang bawat kilo ng single-use plastic bags nitong Martes, ika-10 ng Disyembre.

Imahe mula sa Business Diary

Sinabi ng chairman ng komite na si Rep. Joey Sarte Salceda na inaprubahan na nila ang panukalang pagpapataw ng buwis sa single-use plastic bags na karaniwang ginagamit sa mga tindahan, supermarket, malls at iba pang katulad na establisimyento sa layuning mabawasan ang plastic wastes.

Ani Rep. Salceda, maliit lang ang buwis sa plastic bag – P0.07 lang kada piraso nito. Idinagdag pa niya na kapag naisabatas ang panukala ay magpapasok ito ng P4.8 billion kada taon sa kaban ng bayan na  ilalaan sa solid waste management at pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.

Ang panukala ay hango sa House Bill No. 178 na isinumite nina Sultan Kudarat 2nd district Rep. Horacio Suansing, Jr. at Nueva Ecija 2nd district Rep. Estrellita Suansing na nais magpataw ng P10 kada kilo ng plastic bags.

Ang kopya ng updated version ng panukala ng mag-asawang Suansing ay hindi pa naire-release.

Imahe mula sa Facebook account ni Rep. Suansing

“Aside from the short- and long-term consequences of plastic use on the environment and the health of humans and animals alike, the mass consumption of plastics in the Philippine further magnifies the flooding problem that Filipinos experience, especially during the typhoon season,” saad ng House Bill 178.

Ang panukala ay kailangan pang pumasa sa dalawang pagbasa sa House of Representatives at maaprubahan ng Senado bago ito maipadala sa Office of the President para pirmahan ng Pangulo upang maging ganap na batas.