• Pagpapalayas sa mga katutubong Aeta sa kanilang mga tahanan sa Capas, Tarlac pinaiimbestigahan sa Senado
  • Naghain si Senator Risa Hontiveros ng isang Senate resolution upang alamin kung nalabag ang karapatan ng mga katutubo
  • Isang eviction notice ang ibinigay ng BCDA laban sa mga Aeta upang lisanin ang kanilang mga tahanan sa loob ng pitong araw

Nais paimbestigahan sa Senado ang ginagawa ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na pagpapaalis sa mga katutubong Aeta mula sa kanilang lupain sa Capas, Tarlac upang diumano ay bigyang-daan ang pagkumpleto sa New Clark City project.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen,. Risa Hontiveros

Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 257 na nagsasabing kailangan na maimbestigahan ang napaulat na pagbibigay ng BCDA ng eviction notice laban sa mga katutubong Aeta upang lisanin nila ang kanilang mga tahanan sa loob ng pitong araw.

Nais ng senadora na malaman kung nalabag ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang ancestral domain at kabuhayan.

“Development should not come at the expense of the rights and welfare of indigenous communities and of the environment. Hindi tunay ang pag-unlad kung may paglabag ito sa karapatan ng mga katutubo at ng kalikasan,” ani Senator Hontiveros.

Aniya, ang mga komunidad ng mga katutubo ay protektado ng Republic Act 8371 o ang Indigenous People’s (IP) Rights Act.

Sinabi naman ng BCDA na walang ancestral domain sa lugar. Sinagot naman ito ng mambabatas na hindi kasalanan ng mga katutubo na wala pa silang dokumento ng kanilang ancestral lands.

Aniya, ilang beses nang nag-apply ang mga Aeta ng Certificates of Ancestral Domain Titles para 18,000 hectares na lupain sa Capas – noong 1999, 2014 at 2019.

Imahe mula sa lokal na pamahalaan ng Capas, Tarlac

“The difficulty of obtaining official documents to prove ownership has impeded the capacity of our indigenous people to protect their lands. This is a failure of the bureaucracy and not of IP communities,” sabi ng senadora.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Casimira Maniego, ang lider ng Asosasyon ng mga Katutubo sa Mahawang,  na nasa 500 pamilyang  Aeta sa Barangay Aranguren ang nahaharap sa  eviction at binigyan ng pitong araw para lisanin ang kanilang mga tahanan.

Nag-alok ang BCDA na bayaran ng P300,000 kada ektarya o P30 per square meter ang lupain ng mga maaapektuhan ng eviction.

Imahe mula sa Preda Foundation