• Isdang “GG” hindi na pang-masa dahil sa sobarang taas ng presyo
  • Sa presyong P360 kada kilo ay mas mahal pa ang galunggong sa karne ng manok, baboy at baka
  • Bukod sa galunggong, tumaas din ang presyo ng tilapia at bangus

Pang-sosyal na at hindi na pang-mahirap ang isdang “GG” o galunggong dahil sa taas ng presyo nito, sabi ni Senator Imee Marcos, ang chairperson ng Senate committee on Economic Affairs.

Imahe mulasa Facebook account ni Sen. Imee Marcos

Aniya, mas mahal pa ang presyo ng nasabing isda sa karne ng manok, baboy at maging karneng baka kaya naman nanawagan siya sa pamahalaan na gumawa ng agarang aksyon hinggil dito.

Sa ginawang pagmomonitor ng opisina ng senadora sa presyo ng mga isda sa mga pamilihan, napag-alaman na pumalo na ito sa P360 kada kilo sa Mega Q Mart mula sa dating P150-P160 per kilo.

Sa Pasig City market ay nasa P240 ang presyo ng GG mula sa dating P120-P140 kada kilo. Sa Muñoz market naman ay naglalaro ang presyo nito sa P240 hanggang P260 per kilo, samantalang sa supermarket ay P350 hanggang P360 kada kilo.

“Ang sosyal na talaga ng GG ngayon dahil sa sobrang mahal. Hindi na siya poor man’s fish. Mas mahal pa ang GG sa presyo ng manok, baboy at baka. Hindi naman siguro dapat nakanganga na lang tayo sa presyuhang ito. Gawan sana ito ng paraan ng gobyerno,” ani Senator Imee Marcos.

Imahe mula sa Food Evolution

Bukod sa galunggong, ang tilapia at bangus ay nagkaroon din ng pagtaas ng presyo. Ang dating P90 hanggang P100 kada kilo ng tilapia ay nasa P120 hanggang P130 na at ang bangus ay halos P200 na kada kilo mula sa dating P130.