• Estudyanteng nag-post ng diumano’y tangkang pagdukot sa kanya, kakasuhan ng PNP
  • Napag-alaman ng pulisya na walang katotohanan ang ipinost ng estudyante
  • Humingi na ng paumanhin ang estudyante subalit kakasuhan pa rin siya ng pulisya

Sasampahan ng Philippine National Police (PNP) sa Danao City, Cebu ng kasong alarm and scandal kaugnay ng Cybercrime Law ang isang 21-anyos na lalaking estudyante dahil sa post nito sa social media na tinangka raw siyang dukutin ng mga nakasakay sa kulay puting van.

Imahe mula sa Pixabay

Sinabi ni Police Major Anthony Autencio, deputy chief ng PNP Anti-Kidnapping Group Visayas Field Unit, na ang post ng estudyanteng kinilalang si Brigs Granada Alvaro ay fake news at walang factual basis.

Sinabi umano ni Alvaro sa post niya sa kanyang Facebook account, na ngayon ay deactivated na, na may isang kulay puting van na nakaparada sa Barangay Poblacion, Danao City at sakay nito ang kahina-hinalang lalaki at babae.

Habang naghihintay siya ng masasakyan dakong alas-siyete ng gabi, nilapitan raw siya ng babae mula sa puting van at nagtanong ng direksyon. Lumapit din umano ang lalaki at binebentahan siya ng pabango sa halagang P100. Pilit na ipinaaamoy daw sa kanya ang pabango upang malaman kung magugustuhan niya iyon.

Sinabi pa ni Alvaro sa Facebook post na may narinig siyang boses ng isang bata na humihingi ng tulong mula sa loob ng van. May nakita raw siyang malalaking kahon sa loob ng sasakyan.

Ginawa ni Alvaro ang fake news sa gitna ng mga napapaulat na serye ng pagdukot sa mga kabataan ng mga lalaking sakay ng kulay puting van kaya naman naalarma ang mga residente ng Danao City.

Imahe mula sa Facebook account ni Val T. De Leon

Ayon kay Danao City police chief Lt. Col. Maribel Getigan, agad nilang tinunton si Alvaro upang alamin ang detalye ng insidente, ngunit napag-alaman nila na walang katotohanan ang sinabi niya sa social media.

Humingi na ng dispensa si Alvaro sa Danao city government at sa kapulisan dahil sa ginawa. Sa kabila niyon, itutuloy pa rin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

“We are preparing a criminal case for violation of the Revised Penal Code, particularly Alarm and Scandal in relation to Cybercrime Law, Section 6, Republic Act 10175,” ani Getigan.

“His action of posting malicious message to the social media had caused panic to the public which is tantamount to criminal offense,” dagdag pa niya.

Dinala si Alvaro sa City Social Welfare and Development Office para isailalim sa psychological examination upang alamin kung normal ang kanyang pag-iisip.

Source :

Sunstar, Facebook