• Durian na tinaguriang “King of Fruits,” nakapasok na sa US market
  • Nagsimulang magluwas ng durian ang Davao City sa Amerika noong buwan ng Oktubre
  • Mas nagustuhan ng mga Amerikano ang durian mula sa Davao City kaysa sa durian mula sa bansang Thailand

Nakapasok na sa United States (US) market ang “hari ng mga prutas” ng Davao City – ang durian – at nabihag nito ang panlasa ng mga Amerikano. Nakarating ang prutas sa Amerika sa pamamagitan ng isang American blogger na aktibo rin bilang isang food importer.

Screenshot mula sa PTV video

Sa isang forum, sinabi ng dating pangulo ng Davao Durian Industry Association Council na si Larry Miculob na nagsimula silang magluwas sa Amerika ng vacuum-packed fresh durian sa pamamagitan ng partner nilang si Lindsey Gasik.

Si Gasik, isang blogger mula sa Oregon, USA na ang hilig ay maglibot sa buong Asya upang matikman ang iba-ibang varieties ng durian, ay umangkat ng inisyal na 300 kilo ng vacuum-packed durian.

“She frequents Davao City since 2010 and this year she expressed interest of exporting durian and this is the first time that Davao durian in vacuum pack was able to enter the US market,” ani Miculob.

Sinabi umano ni Gasik na mas nagustuhan ng mga American customers ang durian mula sa Davao kaysa sa durian mula sa Thailand.

“The U.S. market was quite surprising. They said ours is much better than what is sold in the local market because when we export frozen durian meat, we can be 99.9% sure of its quality, unlike when you export whole durian, you can only ascertain its quality once you open it,” ani Miculob.

Screenshot mula sa PTV video

Sabi pa niya, ang bawat pack ng durian  na ipinadadala sa Amerika ay may label na nagpapaliwanag kung ano ang durian, kung ano ang variety nito, na ito ay galing sa Davao City. Tampok din sa label ang imahe ng mga durian farmers.

Ang bawat pack na tumitimbang ng dalawang kilo ay may presyong $69 o katumbas ng P3,400.

Sinabi ni Miculob na mahirap mapasok ang US Market dahil sa istriktong requirements ng US FDA sa pag-aangkat ng mga prutas, subalit naging madali iyon sa kanila dahil may dokumento na sila na nagpapakitang dati na silang nagluluwas ng durian sa Japan.

Umaasa si Miculob na sa pagpasok ng durian sa US market ay maeengganyo ang mga magsasaka na magtanim pa ng mas maraming durian upang lalong tumaas ang kanilang produksyon.

Screenshot mula sa PTV video