• Martial Law sa Mindanao wala nang extension
  • Hanggang sa ika-31 ng Disyembre 2019 na lang iiral ang batas militar sa rehiyon
  • Ang desisyon ni Pangulong Duterte na hindi na palawigin ang batas militar ay batay sa payo ng kanyang security advisers

Hindi na palalawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umiiral na batas militar sa Mindanao. Ito ay bilang pagtalima niya sa payo ng kanyang mga security advisers.

Imahe mula sa The Straits Times

Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Martes, ika-10 ng Disyembre, ipinahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hanggang ika-31 ng Disyembre na lang ang martial law sa Mindanao.

“The Office of the President wishes to announce that President Rodrigo Roa Duterte will not extend martial law in Mindanao upon its expiration on December 31, 2019,” pahayag ni Panelo.

Ayon sa kanya, ang ginawang desisyon ni Pangulong Duterte ay batay sa pagtataya ng mga security forces at defense advisers niya na humina na ang mga kalaban ng estado dahil sa pagkakadakip at pagkakagapi sa mga lider nito.

Isa rin sa mga dahilan ng desisyon ng Pangulo ay ang pagbaba ng bilang ng mga krimen sa Mindanao.

May tiwala umano ang Pangulo sa kapabilidad ng mga security forces na magpatupad ng peace and order sa Mindanao na hindi na kailangang palawigin pa ang batas militar.

Sinabi pa ni Panelo na makatitiyak ang mga residente ng Mindanao na anumang banta sa rehiyon ay agad na susugpuin.

Imahe mula sa PNA

Noong May 23, 2017 sinimulang isailalim ni Pangulong Duterte sa martial law ang Mindanao kasunod ng nangyaring kaguluhan sa Marawi City.

Noong una ay 60 days lang ang validity ng batas militar, subalit pinalawig iyon ng Kongreso ng tatlong beses ayon na rin sa kahilingan ni Pangulo Duterte.