• Philippine pangolin, nanganganib nang maubos
  • Mula sa pagiging “endangered,” itinuturing na ang Philippine pangolin bilang “critically endangered”
  • Ang mataas na demand para sa kanilang mga kaliskis at karne ang sanhi ng mabilis na pagkaunti ng bilang ng mga Philippine pangolin

Sa kabila ng mga ginagawang pag-iingat para sa kanila, ang Philippine Pangolin ay nanganganib nang maubos. Kamakailan lang ay idineklara ito ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) bilang “critically endangered.”

Imahe mula sa USAID Protect Wildlife

Nakalista ang pangolin bilang “endangered” nitong nakalipas na pitong taon at ang bago nitong reclassification sa listahan ng threatened species ng IUCN bilang critically endangered ay nangangahulugan na nalalapit na ang pagkalipol ng hayop na tinaguriang “world’s most trafficked mammals.”

Ang nasabing listahan – ang IUCN Red List of Threatened Species –  ang “most comprehensive resource on global conservation status” ng mahigit 12,000 species.

Ayon kay Dr. Sabine Schoppe, ang nanguna sa ginawang assessment at reclassification, ang tumataas na atensyong ibinibigay sa Philippine Pangolin ay huli na nang dumating para baguhin pa ang kapalaran ng mga ito.

“Pangolins, including the Palawan pangolin, finally get the attention they deserve. Unfortunately, the attention came very late — at the time that the species is already facing extinction,” ani Schoppe.

Imahe mula sa IUCN Red List

Isa sa walong pangolin species sa buong mundo, ang Philippine Pangolin ang isang uri sa pamilya ng mga anteater na hindi gaanong nabigyan ng pag-aaral. Kamakailan lang ito naisalarawan bilang isang “distinct species” mula sa pinakamalapit nitong kamag-anak – ang Sunda Pangolin.

Ang Philippine pangolin ay endemic sa Palawan, subalit katulad ng mga kauri nito sa ibang pangolin species, napakabilis ng pagkaunti ng kanilang bilang dahil sa illegal hunting at poaching sanhi ng mataas na demand para sa kanilang mga kaliskis at karne.

Sa China at Vietnam, pinagkukunan ang pangolin ng mga traditional medicine na panglunas sa sari-saring karamdaman, sa kabila ng kawalan ng siyentipikong pag-aaral.