• 100 senior citizens ng Pasay City, nabigyan ng trabaho sa airport
  • Gagampanan nila ang trabaho bilang airport ushers
  • 15 days lang ang itatagal ng kanilang trabaho bilang airport ushers

Aabot sa isandaang senior citizens ng Pasay City ang nabigyan ng trabaho bilang temporary airport ushers sa pamamagitan ng kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Pasay City, Manila International Airport Authority (MIAA), Department of Labor and Employment at Ang Probinsyano Partylist.

Imahe mula sa PIA

Ang memorandum of agreement ay pinirmahan noong Martes, ika-3 ng Disyembre, nina Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, Labor Secretary Silvestre Bello III, Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong, at MIAA General Manager Eddie Monreal.

Gagampanan ng mga na-hire na senior citizens ang mga trabahong magagaan katulad ng pag-guide sa mga pasahero sa paliparan kung saan mauupo, sa mga opisinang kailangan nilang puntahan  o kung saang linya kailangang pumila.

Magtatrabaho ang mga senior citizens ng tatlong oras sa umaga at tatlong oras din sa hapon sa loob ng labinlimang araw. Ang bawat isa sa kanila ay tatanggap ng sahod na batay sa umiiral na P537 daily wage rate.

Nasaksihan ni Normita Castillo. Ang presidente ng  Office of Senior Citizens Affairs ng Pasay City, ang paglagda sa kasunduan.

Ang mga senior citizens, na nasa pagitan ng 60 at early 70s ang edad, ay pinili batay sa kondisyon ng kanilang kalusugan at sa kakayahang magtrabaho.

Imahe mula sa Pasay PIO

“Through this project, we are giving our senior citizens the opportunity to still maximize their productivity, mingle again with people in a regular work environment, and even provide some amount to their families with their salaries,”  ani Mayor Calixto-Rubiano.

“It is also a fitting recognition and appreciation of senior citizens as productive members of society even in their 60s, 70s or older,” dagdag pa ng alkalde ng Pasay City.

Si Mayor Calixto-Rubiano ay dati nang nagsilbing congresswoman ng Pasay City. Siya ang nag-akda ng panukalang batas na naging Republic Act 10911 o ang “Anti-age Discrimination In Employment Act, na nagbigay-daan upang makapagtrabaho pa ang mga senior citizens sa buong bansa.