• Mga vendors na napaalis sa puwesto, tumulong sa paglilinis ng kalsada sa Divisoria
  • Nakiusap ang mga vendors na muli silang payagang makapagtinda sa Divisoria
  • Hiling ng Divisoria Vendors Association na pakikipagdayalogo hindi pinagbigyan ni Mayor Isko

Isang araw makalipas nilang magsagawa ng protesta sa harap ng Manila City Hall laban sa clearing operations na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila, ilang vendors ang tumulong sa paglilinis ng dalawang kalsada sa Divisioria.

Screenshot mula sa video ng DZBB

Sa video ng Super Radyo DZBB, makikita ang mga vendors na tumutulong sa clearing at flushing operations sa Ylaya Street at M. De Santos Street sa Divisoria.

Gamit ang hose na nakakabit sa fire truck, sinabuyan ng tubig ang dalawang kalsada, na ayon kay Mayor Isko Moreno ay mapanghi. Ang mga vendors at residente ng lugar ay makikitang tumulong sa pamamagitan ng pagwawalis.

Ipinagbawal na ng alkalde ang pagtitinda sa mga nabanggit na kalsada sa Divisoria matapos mag-iwan ng mga ga-bundok na basura ang mga vendors na pinayagang makapagtinda doon.

Hindi pinagbigyan ni Mayor Isko ang pakikipagdayalogo na hiniling ng Divisoria Vendors Association na nagsagawa ng protesta sa harap ng Manila City Hall noong Lunes,ika-18 ng Nobyembre, dahil abala umano sila noong araw na iyon.

“Pinagbigyan na silang makapagtinda, sinayang nila. We’re busy paving Ylaya. We’re busy na ayusin ‘yang mga kable ng kuryente at ‘yung mga pinagsasabit nila na mas mabigat pa sa kable ng kuryente, ‘yung panghi. We’re busy to attend to our jobs,” ani Mayor Isko.

Screenshot mula sa CNN Philippines video

Itinanggi ng mga vendors na sila ang nag-iwan ng mga basura sa kalsada. Anila, karamihan sa mga iyon ay galing sa mga pedestrians at stall owners sa kalapit na Tutuban Shopping Center.