• Skyway operator magtatayo ng temporary steel ramp para maibsan ang trapiko sa SLEX
  • Magsisimula ang steel ramp sa ibabaw ng Alabang viaduct at idudugtong sa elevated skyway
  • Ang Skyway operator ay nakikipagtulungan sa DPWH sa konstruksyon ng temporary steel ramp

Isang pansamantalang solusyon sa grabeng trapiko na nararanasan sa northbound ng South Luzon Expressway (SLEX) ang ipatutupad ng pamunuan ng Skyway O&M Corporation (SOMCO) na sisimulan Martes, ika-5 ng Nobyembre.

Screenshot mula sa GMA video

Sinabi ni SOMCO President Engineer Manuel Bonoan na magtatayo sila ng temporary steel ramp na may habang 180 linear meters. Magsisimula ito sa ibabaw ng Alabang viaduct at idudugtong sa elevated Skyway.

“This is about 180 linear meters na temporary steel ramp. Simula po dito sa itaas ng Alabang Viaduct, ikakabit po natin doon sa itaas ng Skyway,” pahayag ni Engineer Bonoan.

Paliwanag ni Ginoong Bonoan, malaki ang maitutulong ng temporary steel ramp dahil base sa obserbasyon nila ay maraming mga sasakyan ang umaakyat sa skyway matapos bumaba sa Alabang viaduct. Kapag naitayo na ang pansamantalang rampa ay hindi na kailangang bumaba pa ng Alabang viaduct ang mga motorista para umakyat sa skyway.

“We expect na malaki ang maitutulong nito kasi marami rin po ‘yung mga umaakyat dito sa itaas ng Skyway pagkatapos ng Alabang Viaduct. So they have this opportunity na doon pa lang puwede na silang umakyat,” sabi ni Engineer Bonoan.

Ang pamunuan ng SOMCO ay nakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways para sa konstruksyon ng temporary steel ramp.

Imahe mula sa SOMCO

Nilinaw ni Mr. Bonoan na tanging mga light o class 1 vehicles na mayroong RFID (Radio-Frequency Identification) ang maaring dumaan sa pansamantalang rampa upang maging mas mabilis ang daloy ng mga sasakyan.

Inaasahan na sa November 30, kapag natapos na ang pagtatayo ng mga poste ng skyway extension at naalis na ang mga heavy equipment, ay bubuksan na ang isinarang 3rd lane  kaya babalik na sa normal ang daloy ng trapiko sa lugar.

Source :

Remate, YouTube