• Regent Foods Corporation, pinag-iisipang umalis sa Pasig City
  • Pinanigan ni Mayor Vico Sotto ang mga manggagawa ng RFC na nagwelga
  • Mahigit tatlong dekada na sa Pasig City ang RFC

Pinag-iisipan ng Regent Foods Corporation (RFC), isang kumpanyang gumagawa ng mga kilalang tsitsirya, na lisanin na lang ang Pasig City at sa ibang lugar na lang magnegosyo. Ito ay matapos panigan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga manggagawa na nagwelga.

Imahe mula sa Regent Foods Corporation

“RFC may simply accept its fate that the Pasig City Administration will unjustly make life hard for it and its 400-strong workforce, and contemplate simply bringing its business elsewhere—a truly painful outcome for a corporation that has considered Pasig City its home for a total of three decades now,” ayon sa statement ng snacks company.

Noong Linggo, ika-17 ng Nobyembre, sinabi ni Mayor Sotto sa pamamagitan ng isang Facebook post na umupa ang RFC ng private security group upang mag-disperse sa mga nagwewelgang manggagawa. Naging marahas ang dispersal na nagresulta sa paghuli at pagkakakulong sa 23 welgista.

Hiniling ni Mayor Sotto sa RFC na i-urong ang kasong isinampa sa mga manggagawa dahil hindi naman umano mga kriminal ang mga iyon at ipinaglalaban lang nila ang sa tingin nila ay tama. Sa tulong ng alkalde ay nakapag-piyansa ang 11 manggagawa. Nauna nang nag-piyansa ang 12 RFC workers.

Imahe mula kay Judy Taguiwalo via Tribune

Ayon naman sa RFC, hiniling nito sa alkalde na tulungan sila na kumbinsihin ang mga nagwewelga na hayaang makapasok sa pabrika ang karamihan sa mga empleyado nila upang makapagtrabaho, subalit hindi raw sila pinakinggan ni Mayor Sotto.

“This request merely fell on deaf ears, which is precisely what constrained RFC to resort to private security assistance for the sole purpose of reopening the gates of the company and resuming its usual business operations,” anang kumpanya.

Naging marahas umano ang mga manggagawa kaya hinuli sila ng mga pulis na nakasaksi sa dispersal.

Itinanggi rin ng RFC na sila ang nagsampa ng kaso laban sa mga welgista. Ang complainant daw ay ang private security company dahil nasaktan ang mga tauhan nila, kabilang ang isa na nasa kritikal pang kalagayan.

Source :

ABS-CBN, Inquirer