• Modern PUV inilunsad ng LTFRB sa rutang Novaliches-Malinta
  • Isang netizen ang nagbahagi ng magandang karanasan sa sinakyang modern PUV
  • Nasa 23 units ang modern PUV na bumibiyahe sa nasabing ruta

Tuwang-tuwang ibinahagi ng isang netizen ang magandang karanasan sa sinakyang modern public utility vehicle (PUV) na may rutang Novaliches-Malinta.

Imahe mula kay Mitch Miranda Caliwatan via Facebook

Aniya, kahit masakit ang ulo niya ay natuwa siya at lahat ng pasaherong kasabay niya sa modernized jeepney na sinakyan dahil bukod sa malamig at presko ay maganda pa raw ang music na pinatutugtog.

“Masakit ang ulo ko, pero natuwa ako sa sinakyan ko, malamig, presko, ganda ng music, hindi mabaho at higit sa lahat iwas snatcher. ‘Di n’yo makukuha cellphone ko. Tuwang tuwa lahat ng pasahero. Novaliches-Malinta route. Mapapa sana all ka talaga,” masayang post ni Mitch Miranda Caliwatan sa Facebook noong ika-9 ng Nobyembre.

Napa-wow pa siya dahil kahit 11 pesos ang minimum na pamasahe ay hindi naman daw huhulas ang make-up niya. “11 pesos pero huwaw talaga. Hindi huhulas ang make up ko,” aniya.

May inisyal na 23 units ang bumibiyaheng modernized jeepney sa nasabing ruta na inilunsad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board noong Biyernes, ika-8 ng Nobyembre.

Imahe mula kay Mitch Miranda Caliwatan via Facebook

Ang operator ng mga modern PUV ay ang Novaliches-Malinta Jeepney Transport Service Cooperative na pinangungunahan ni Helen Viloria.

Ayon kay Viloria, 26 passengers ang seating capacity ng bawat modern PUV at 10 hanggang 15 naman ang standing passengers. Ang minimum fare ay P11 at P19 naman kapag diretso mula Novaliches hanggang Malinta sa Valenzuela.

Dagdag pa niya, ang mga senior citizens, persons with disability at mga estudyante ay binibigyan ng 20% fare discount.

Ang modernisasyon ng jeepney ay isang programa ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Transportation, na inilunsad noong taong 2017. Layunin ng programa na mapalitan ang lahat ng mga lumang jeepney sa taong 2020 upang maging environment-friendly ang public transportation system ng bansa.

Imahe mula kay Mitch Miranda Caliwatan via Facebook

Source :

Facebook, PNA