• Presyo ng itlog sa pamilihan, nagtaas
  • Tumaas ng hanggang P28 ang presyo ng itlog kada isang tray
  • Sinabi ng grupong SINAG na walang dahilan para tumaas ang presyo ng itlog dahil continuous ang egg production

Nagkaroon ng pagtaas ng presyo ng itlog sa mga pamilihan sa kabila ng sapat na supply nito.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Tumaas ng hanggang P28 kada tray ng itlog. Kung dati ay P160 ang isang tray na mayroong 30 itlog, ngayon ay ibinebenta ito mula P180 hanggang P200 per tray, depende sa laki. May pagtaas din ng presyo sa itlog ng pugo at itlog na maalat.

Ayon sa mga tindero ng itlog, kaya umano tumaas ang prsyo ng kanilang tinda ay dahil sa kakulangan ng supply.

Kinuwestyon naman ito ng isang grupo dahil sapat naman daw ang egg production ngayon at walang shortage na nagaganap.

Ang farm gate prices ng itlog ay nasa pagitan ng P5.12 at P5.97, depende sa size at source. P0.50 lang umano ang  dapat na mark up sa bawat piraso ng itlog, ayon sa chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na si Rosendo So.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, ang isang tray ng itlog na medium size ay tumaas sa P205 kada tray mula sa dating P195 at P238 mula sa dating P210 para sa “jumbo-sized” eggs.

Sabi ni So, tuluy-tuloy naman ang produksyon ng itlog kaya wala dapat na mangyaring pagtaas ng presyo.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Continuous ang production. Walang dahilan na tumaas ng sobra-sobra. Dapat ma-check natin ang mga nagde-deliver bakit ang taas,” aniya.

Siniguro ni So sa mga konsyumer na mayroong sapat na stock ng itlog mula sa mga nag-aalaga ng mga paitluging manok.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng itlog, patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga mamimili dahil sa abok-kayang halaga nito.