• Natitirang pondo ng Office of the President ipagagamit para tulungan ang mga hog raisers na apektado ng ASF
  • Gagamitin din ang pondo para maglagay ng mga cold storage sa iba’t ibang daungan sa bansa upang ma-monitor ang pagpasok ng mga meat products
  • Tinatayang aabot na sa tatlong bilyong piso ang nalulugi sa hog raising industry dahil sa ASF

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang request ng Department of Agriculture na gamitin ang natitirang pondo ng Office of the President para matulungan ang mga magbababoy na lubhang naapektuhan ng African Swine Fever.

Imahe mula sa PCOO

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tinalakay ang hiling ni Agriculture Secretary William Dar na magamit bilang ayuda sa mga backyard hog raisers ang natitirang pondo ng Office of the President sa 43rd Cabinet meeting noong Miyerkules, ika-6 ng Nobyembre.

Ang bahagi ng pondo ay gagamitin para ipambayad sa mga magbababoy na pumayag na isuko sa Department of Agriculture ang mga apektado nilang mga baboy upang isailalim sa depopulation. Ginagawa ang pagkatay sa mga apektadong baboy upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.

Paglalaanan din ng pondo ang paglalagay ng mga cold storage sa mga daungan sa Maynila, Subic, Batangas, Cebu at Davao upang ma-monitor ang mga pumapasok na meat products sa bansa.

“To address the issue of African Swine Fever, the Chief Executive approved Agriculture Secretary William Dar’s request to use the remaining contingent fund of the Office of the President for the indemnification of hog raisers and designate cold storage areas in the ports of Manila, Subic,Batangas, Cebu and Davao for 100% monitoring of meat products entry,” ani Panelo.

Imahe mula sa Department of Agriculture

Tinatayang aabot na sa tatlong bilyong piso ang nalulugi sa mga local hog raisers dahil sa patuloy na pananalasa ng ASF. Ang mga siyudad ng Caloocan at Malabon ay apektado na rin nito.

Source :

Abante, ABS-CBN