• Nais ng DOH na ipagbawal ang patingi-tinging bentahan ng sigarilyo
  • Sa kabila ng mataas na presyo ng sigarilyo ay marami pa rin ang bumibili nito dahil sa per stick na bentahan
  • Nais din ng DOH na itaas sa 21 years old mula sa 18 years old ang edad ng maaaring bumili at magbenta ng sigarilyo

Ilang taon na ang nakalilipas mula nang patawan ng mataas na buwis ang mga tobacco products sa layuning ma-discourage ang maraming Pilipino sa paninigarilyo. Kapag mataas ang buwis, mangangahulugan ito na magiging mataas din ang bentahan ng sigarilyo na posibleng maging balakid sa pagkonsumo ng naturang produkto na itinuturing na bisyo o “sin product.”

Imahe mula sa Radyo Agila

Ngunit ayon sa Department of Health (DOH), nananatiling mataas ang bilang ng mga Pilipinong patuloy na tumatangkilik ng sigarilyo sa kabila ng pagtaas ng presyo sanhi ng ipinataw na sin tax dito. Ito ay dahil sa patingi-tinging bentahan nito.

Dahil dito ay nais na rin ng DOH na ipagbawal ang per stick na bentahan ng mga sigarilyo.

Ang pagbabawal sa tinging bentahan ng sigarilyo ay batay umano sa rekomendasyon ng United Nations Inter-Agency Task Force on Prevention of Non-communicable Diseases.

“Sa mga ibang bansa ginawa na ‘yan. Talagang bawal bumili ng tingi-tingi kundi dapat isang pakete kasi nga mas mahal ito at mas mahirap pa bilhin ng mga bata,” sabi ng DOH spokesperson na si Eric Domingo.

Inaasahan na kung ipagbabawal na ang patingi-tinging sigarilyo at kada pakete na lang ang bentahan nito ay mahihirapan nang makabili ang mga Pilipinong maliit ang kinikita. Ang mga mayayaman na lang ang may kakayahang magtapon ng pera sa ganitong bisyo.

Screenshot mula sa GMA video

Kapag ganoon ang nangyari ay maraming Pilipino ang makaliligtas sa mapaminsalang epekto ng sigarilyo.

Bilyong piso ang ginagastos ng pamahalaan sa mga pampublikong ospital para gamutin ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Kung mababawasan ng marami ang bilang ng mga Pilipinong nagkakasakit sanhi ng ganitong bisyo ay malaki ang matitipid ng gobyerno. Ang pondong matitipid ay maaaring magamit sa ibang serbisyo.

Bukod sa pagbabawal sa tinging bentahan ng sigarilyo, nais din ng DOH na itaas ang age requirement ng mga maaaring bumili at magbenta ng sigarilyo. Mula sa kasalukuyang 18 years old ay nais itong itaas sa 21 years old.

Imahe mula sa DOH

Source :

GMA Network, DOH