• Pagbabawal sa paggamit ng plastic sa buong bansa binabalak ipatupad ni Pangulong Duterte
  • Ang ideya ay pinalutang ng Pangulo sa katatapos lang na 43rd Cabinet meeting
  • Sinabi ng Pangulo na kailangang bumalangkas ng bagong batas para maipatupad ang plastic ban

Binabalak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal sa buong bansa ang paggamit ng plastic sa layuning maisalba ang kapaligiaran.

Imahe mula sa PCOO

Ang ideya na ipagbawal ang plastic use ay pinalutang ng Pangulo sa 43rd Cabinet meeting na ginanap sa Malacañang noong Miyekules ng gabi, ika-6 ng Nobyembre nang mapag-usapan ang climate change, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Sinabi pa umano ng Pangulo na kailangang bumalangkas ng bagong batas upang maipatupad ang plastic ban.

“The President floated the idea to ban the use of plastics, which according to him would require legislative action,” ani Panelo.

Nabuksan ang usapin sa climate change at sa plastic pollution nang iprisinta ni Vernice Victorio, President and Chief Executive Officer ng Natural Resources Development Corp. (NRDC), kay Pangulong Duterte at mga Cabinet members ang “Priority Programs for Environment and Climate Change Resiliency.“

Ang NRDC ay isang state corporation na naka-attach sa Department of Environment and Natural Resources.

Batay sa report ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), ang Pilipinas ay gumagamit ng napakaraming single-use plastic kabilang na ang halos 60 bilyong piraso ng plastic sachet kada taon.

Imahe mula sa Greenpeace

Ayon pa sa GAIA, araw-araw ay gumagamit ang Pilipinas ng halos 48 million plastic shopping bags na kung susumahin ay nasa 17 bilyong piraso sa bawat taon. Hindi pa umano kasama rito ang nasa16.5 million na mas maliliit at maninipis na transparent plastic bags na ginagamit ng mga Pilipino taon-taon.

Kaugnay ng usapin sa plastic use, may ilang panukalang batas ang nananatiling nakabinbin sa Kongreso.

Isa na rito ang Senate Bill No. 40 ni Senator Francis Pangilinan na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng single-use plastic. Iminungkahi ng senador na parusahan ang mga lalabag at bigyan naman ng insentibo ang mga magre-recycle ng mga plastic.

Imahe mula sa GAIA

Source :

Inquirer, PNA