• NCRPO nag-iisip ng paraan kung paano matitigil ang bandalismo sa Maynila
  • Nakiusap si NCRPO Chief Brig. Gen. Sinas sa mga vandals na sana ay huwag sirain ang mga bagay na para sa publiko
  • Sa kabila ng banta ni Mayor Isko na padidilaan sa kanila ang graffiti ay muling gumawa ng bandalismo ang mga pasaway na vandals

Ipinahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na kanilang pinag-aaralan kung paano matutugunan ang mga insidente ng bandalismo sa Lungsod na Maynila.

Imahe mula sa NCRPO

Ang pahayag ni NCRPO chief Brig. Gen. Debold Sinas ay kasunod ng panggagalaiti ni Manila Mayor Isko Moreno sa ginawang pagdungis ng mga pasaway na vandals sa bagong linis na Lagusnilad underpass at sa isang telecom box sa Andres Bonifacio Shrine.

“Actually nag-coordinate na sila, kaso syempre low morale ‘yung local government doon na after linisin, ganito. Kasi kumbaga matapos mo pagandahin, matapos mo linisin, pagkatapos ‘yung mga kababayan natin na pasaway, ayun dinadamay lahat,” sabi ni Brig. Gen. Sinas sa isang press briefing.

May pakiusap naman sa mga vandals si Brig. Gen. Sinas.

“So, sana hindi naman ganun kasi para sa lahat naman ‘yun… Huwag naman sirain ‘yung para sa publiko,” aniya.

Sinabi ni Sinas na nagsasagawa naman ng pagpapatrulya ang mga police officers ng Manila Police District sa mga lugar na ginawan ng bandalismo, subalit ang mga vandals ay kadalasan daw na nagsusulat sa mga pader tuwing dis-oras ng gabi kung kailan kaunti na lang ang mga taong naglalakad na maaaring makasaksi sa ginagawa nila.

Imahe mula sa Manila PIO

“Pag-aralan namin ‘yan kung paano namin i-address ‘yan… Gagawan namin ng paraan ‘yan,” pangako ni Sinas.

Noong Lunes, ika-18 ng Nobyembre, ipinakita ni Mayor Isko sa pamamagitan ng isang video kung paano kahirap burahin ang graffiti upang maipaabot sa mga vandals ang mensahe na hindi kanais-nais ang ginagawa nilang pagdungis sa mga ari-arian ng pamahalaan.

Nauna nang binalaan ng alkalde na padidilaan niya sa mga vandals ang graffiti kapag nahuli sila.

Ilang araw lang ang nakalipas ay muli na namang gumawa ng bandalismo ang grupo ng mga pasaway na vandals – sa pader ng isang pampublikong paaralan sa kahabaan ng United Nations Avenue sa Maynila.

Pininturahan na ng mga estudyante ng Manuel Araullo High School ang pader upang mawala ang graffiti.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno