• Operasyon ng pedicab sa Mandaluyong City, ipinatigil
  • 230 pedicab operators at drivers ang apektado ng kautusan
  • Maaaring magtrabaho sa city hall ang mga apektadong pedicab drivers at operators

Ipinatigil na ng Mandaluyong City ang operasyon ng mga pedicab sa lungsod bilang pagtalima sa direktriba ng Department of interior and Local Government (DILG) na tanggalin ang mga nakahambalang na mga sasakyan at istruktura sa mga lansangan.

Imahe mula sa Abante

Handa namang bigyan ng trabaho sa city hall ang mga apektadong pedicab drivers at operators na ang bilang ay aabot sa 230.

Ayon kay Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, pinulong na ng lokal na pamahalaan ang mga pedicab drivers at operators at binigyan sila ng pagkakataon na i-surrender ang mga pedicab nila kapalit ang P10,000 at isang sakong bigas.

Ang halagang matatanggap ay maaari umanong magamit sa pagtatayo ng bagong negosyo. Paglalaanan din ng pamahalaang lungsod ng trabaho ang mga lehitimong pedicab drivers at operators na apektado ng kautusan.

“As long as they are legitimate pedicab operators and drivers, we will hire them,” ani Mayor Abalos.

Maaari silang magtrabaho bilang tauhan ng Engineering Department, o kaya naman ay bilang traffic enforcer o street sweeper; depende sa kanilang kakayahan.

At kung sakaling ang edad ng driver o operator ay mahigit 60, maaaring humalili sa kanila ang kanilang mga anak sa employment program ng city government kung saan isasailaim sila sa mga pagsasanay.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Menchie Abalos

“Our only requirement for them is to undergo and pass a drug test. If they test positive, we will not entertain them anymore,” anang alkalde.

Nilinaw ni Mayor Abalos na hindi tutol ang lokal na pamahalaan sa anumang uri ng disenteng hanapbuhay basta alinsunod iyon sa batas.

Aniya, dahil wala namang prangkisa ang mga pedicab para mag-operate sa Mandaluyong, wala silang mapagpipilian kundi ipatigil ang operasyon ng mga ito  dahil kung hindi ay ang city government ang mapapatawan ng penalty mula sa DILG.

 

Imahe mula sa Change.org

Source :

Tribune, Abante