• Mga kapitalistang hindi nagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado laganap pa rin
  • Ibinulgar ni Sen. Imee Marcos na maraming negosyante ang nagbibigay lang ng grocery items sa halip na 13th month pay
  • Maraming employers ang lumalabag sa batas dahil wala umanong katapat na parusa sa mga violators

Laganap pa rin ang mga panlalamang na ginagawa ng maraming mga employers sa kanilang mga manggagawa, ayon kay Senator Imee Marcos.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Imee Marcos

Aniya, marami pa rin ang hindi sumusunod sa batas sa pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado at sa halip, ang ilan sa kanila ay grocery items lang ang ibinibigay tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

“Dapat isang buwan na sahod ang ibinibigay ng mga employers sa kanilang mga empleyado. Pero binabarat talaga nila ang mga manggagawa at grocery items na lang ang kapalit na halos P2,000 lang ang halaga,” pagsisiwalat ng senadora.

Hindi lamang, aniya, sa Metro Manila laganap ang ganitong maling gawain ng mga employers. Maging sa mga kanayunan ay nagaganap din daw ang ganitong panlalamang sa mga manggagawa.

Ang masaklap pa rito, ayon kay Sen. Marcos, ay ipinalalabas pa ng ilang employers na ang ibinigay na grocery items ay Christmas bonus na rin.

“Ang masakit pa nito, sasabihin ng mga employer sa kanilang mga empleyado na ang grocery items na kanilang nakuha ay Chirstmas bonus na rin. Parang may utang na loob pa ang mga manggagawa ngayon,” aniya.

Imahe mula sa Makulay

Ibinunyag pa ng mambabatas na hindi kayang obligahin o pilitin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employers na magbigay ng 13th month pay dahil wala raw katapat na kaparusahan sa mga lumalabag sa naturang batas hinggil dito.

Sinabi pa niya na kung kailangang amyendahan ang batas ay gagawin niya upang masigurong matatanggap ng mga manggagawa ang benepisyong nakalaan para sa kanila.

“Kailangan sigurong pag-usapan namin ito ng DOLE para masigurong hindi makalulusot ang mga negosyanteng hindi nagbibigay ng 13th month pay.  Kung kinakailangang susugan natin ang batas, gagawin natin ito,” ani Sen. Marcos.

Imahe mula sa DOLE

Source :

Remate, Bandera