• Lungsod ng Maynila maghihigpit sa batang mangangaroling sa kalsada
  • Ang mga batang nare-rescue ay dadalhin sa Manila Reception and Action Center sa Ermita
  • Dapat may kasamang matanda ang mga batang nangangaroling upang matiyak ang kaligtasan nila

Habang papalapit ang kapaskuhan ay dumarami ang bilang ng mga batang nag-iikot sa mga kalsada at sumasampa sa mga pampublikong sasakyan para mangaroling sa mga pasahero.

Screenshot mula sa GMA video

Kalimitang may dala silang mga maliliit na tambol na gawa sa lata at mga sobre na ipinamumudmod sa mga pasahero.

Takaw-disgrasya umano ang ginagawa ng mga bata, ayon sa isang opisyal ng Manila Department of Social Welfare, kaya magpapatupad sila ng paghihigit sa pangangaroling ng mga bata sa kalsada upang iligtas sila sa mga peligro.

Ang mga batang mare-rescue ay dadalhin sa Manila Reception and Action Center sa Arroceros Street sa Ermita kung saan sila maaaring sunduin ng kanilang  mga magulang.

Mapanganib para sa mga bata ang pagsampa at pagpalipat-lipat sa mga jeepney para mangaroling dahil posibleng maaksidente ang mga ito, ayon kay Asuncion Fugoso, ang Director ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

“Hindi pwede pinapauso ngayon na magkakaroling sa jeep. Aakyat tas bababa ng jeep eh kung pagbaba mabundol ng susunod na sasakyan?” pahayag ni Fugoso.

Hinimok pa niya ang publiko na sana ay huwag na magbigay ng pera sa mga nangangaroling upang hindi mamihasa ang mga bata.

Screenshot mula sa YouTube video ni Enhrico

Ipinaaalala rin ng social welfare official na responsibilidad ng mga magulang ang paniniguro sa kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga anak. Dapat rin umanong tandaan na may umiiral na curfew hours para sa mga kabataan.

Pagpatak ng alas-diyes ng gabi ay wala na dapat sa lansangan ang mga bata.

Dagdag pa ng MDSW, hindi naman ipinagbabawal sa mga bata na mangaroling sa paligid ng kanilang komunidad. Dapat lang na may kasama silang matanda na sisiguro sa kaligtasan nila habang nangangaroling.

Screenshot mula sa GMA video

Source :

GMA Network, MSN