• Tiwaling MTPB traffic enforcer, sinibak ni Mayor Isko Moreno
  • Nahulicam ang pangongotong ng tiwaling traffic enforcer
  • Labis na ikinadismaya ng alkalde ang pangyayari

Isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang sinibak ni Manila Mayor Isko Moreno maapos mahulicam na nangotong sa isang motorista.

Screenshot mula sa video ni Love Laurena via YouTube

Kinilala ng Manila Public Information Office ang tiwaling miyembro ng MTPB bilang si Modesto Tabion Tadeo Jr. na dating nakatalaga sa panulukan ng United Nations Avenue at Taft Avenue sa ilalim ng MTPB Sector 5.

Kinumpirma ni MTPB chief Dennis Viaje ang pagkakasibak sa tiwaling traffic enforcer.

“Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennis Viaje has confirmed that they have already sacked the traffic enforcer who was caught on video receiving bribe money from a motorist,”  ayon sa social media post ng Manila Public Information Office.

Ang pangongotong ni Tadeo ay nabisto matapos ibahagi ng isang concerned citizen sa social media ang viral na ngayong video ng aktwal na ginawa ng korap na traffic enforcer.

Malinaw na nakita sa video ang pagtanggap ni Tadeo ng pera mula sa motoristang sinita at pagsauli niya ng driver’s license nito.

Ang video ng pangongotong ni Tadeo ay kumalat sa social media ilang oras lang matapos i-promote ni Mayor Isko Moreno ang isang MTPB enforcer na nagpakita ng kabayanihan sa pagtupad sa kanyang tungkulin.

Screenshot mula sa video ni Love Laurena via YouTube

Labis na ikinadismaya ng alkalde ang pangyayari. Sa isang Facebook post ay inilabas ni Yorme ang kanyang saloobin hinggil sa insidente.

“Ikinalulungkot ko po na sa kabila ng aming pagsisikap na disiplinahin ang aming mga kawani sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay meron pa ring mga bulok na kamatis sa aming mga hanay,” aniya.

“Nakadidismaya ang balita na ito subalit kailan lamang ay kinilala natin ang isang “hero enforcer” ng MTPB na ating ginawaran ng regularisasyon para sa kanyang dedikasyon na maging malinis at tapat na kawani ng pamahalaan. Sa ating bagong pamamahala, kinikilala natin ang mabuti, ngunit hindi rin natin pwede ikubli ang mga masasamang elemento na kailangan alisin,” sabi pa ni yorme.

Panoorin ang video. I-click ang imahe:

Screenshot mula sa video ni Love Laurena via YouTube