• Higanteng kaldero ng SEA Games maaaring ibenta ng hanggang P100 milyon, sabi ni Rep. Alan Peter Cayetano
  • Katwiran ni Cayetano, marami ang magkakainteres sa cauldron dahil obra iyon ng isang national artist
  • Wala namang balak si Cayetano na ibenta ang cauldron dahil bahagi iyon ng kasaysayan ng bansa

Sa kabila ng mga pambabatikos na ipinupukol sa kontrobersyal na Southeast Asians Games (SEA Games) cauldron dahil sa napakamahal na halaga nitong P50 million, positibo si House Speaker Alan Peter Cayetano na posibleng mabawi ang ginastos doon at higit pa.

Imahe mula sa BCDA

Aniya, kung gugustuhin ay maaaring maibenta ang malahiganteng kaldero pagkatapos ng SEA Games tournament sa halagang doble ng ginastos doon.

“Alam niyo po ‘yan, ‘pag natapos ang SEA Games, kung P100 million, may bibili niyan,” sambit ni Rep. Cayetano.

“Pumunta kayo sa mga art gallery, ‘yung sinlaki ng podium na ito na sculpture na hindi pa national artist, siguro P2 to P10 million, depende sa halaga. Ito, hindi lang national artist, it turned out to be his last work, ‘yung huling obra,” paliwanag niya.

Ang SEA Games cauldron ay idinisenyo ng nasirang national artist na si Bobby Mañosa.

Subalit dahil bahagi iyon ng kasaysayan ng Pilipinas sinabi niya na hindi naman ibebenta ang cauldron.

“But it’s priceless, part of the history and culture of the Philippines… of Clark,” aniya.

Una nang kinuwestyon ni Senator Franklin Drilon ang ginastos sa cauldron. Aniya, ang P50 million na halaga niyon ay maaari nang makapagpagawa ng 50 classrooms.

Imahe mula sa Tribune

May hamon si Rep. Cayetano  sa mga taong nagsasabi na hindi sulit ang ginastos sa cauldron.

Aniya, sa paniniwala niya ay priceless ang cauldron at sumasang-ayon doon ang karamihan mula sa art world at architecture world, subalit kung sa tingin ng iba ay hindi sulit ang ginastos, maaari raw ibenta iyon.

Katwiran pa ni Cayetano, habang binabatikos ni Sen. Drilon ang cauldron ay lalong tumataas ang halaga niyon dahil nalalaman ng mga tao na iyon ay likha ng isang national artist.