• 34 sa 46 escalator units ng MRT-3 ay operational na
  • Bago matapos ang taon ay matatapos na ang repair sa lahat ng 46 escalators ng MRT-3
  • Ang lahat naman ng elevators sa MRT-3 ay fully operational

Good news hindi lang para sa mga senior citizens at persons with disability kundi para sa lahat ng pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang balitang hatid ng Department of Transportation-MRT3 (DOTr MRT-3).

Imahe mula sa Official Gazette

Masayang ibinalita ng DOTr MRT-3 sa social media page nito na karamihan sa mga escalators na dati ay hindi gumagana ang nagagamit na ngayon. Ayon dito, 34 sa 46 na escalators sa labintatlong MRT-3 stations ay fully operational na.

“Magandang Balita! Nasa 34 sa 46 escalator units na ng MRT-3 ang fully operational,” post ng DOTr MRT-3 sa Facebook.

Ang pinakahuling inayos ng Sumitomo MHI-TESP, ang bagong maintenance provider ng MRT-3, ay ang escalator sa southbound ng Boni Station at sa southbound ng Ayala Station.

Layon ng Sumitomo MHI-TESP na tapusin ang ginagawang pagsasaayos sa lahat ng escalators bago matapos ang taon. Ito ay ilang buwang mas maaga kaysa sa orihinal na deadline ng rehabilitasyon ng mga ito.

“Ang pagsasaayos ng escalators at elevators ay bahagi ng malawakang rehabilitasyon ng MRT-3. Layon ng bagong maintenance provider na gawing operational ang lahat ng units ngayong taon — ilang buwang mas maaga sa orihinal na target date ng rehabilitasyon ng escalators at elevators,” ayon pa sa MRT-3 management.

Imahe mula sa Official Gazette

Ibinalita rin nito na ang lahat ng elevators ng naturang train line ay “up and running” at ang mga spare parts na kailangan sa rehabilitasyon ay patuloy ang pagdating.

Hiningi ng pamunuan ng MRT-3 ang suporta at pang-unawa ng mga mananakay sa ginagawang rehabilitasyon ng escalators.

“Hangad po namin ang inyong buong suporta at pang-unawa habang ginagawa po namin ang aming makakaya upang maibalik sa dating de kalidad na serbisyo ang MRT-3,” ayon sa train management.

Maraming regular na mananakay ng MRT-3 ang natuwa sa magandang balitang hatid ng DOTr MRT-3.

Imahe mula sa DOTr MRT-3