• Modern PUV prototype ng Toyota ipinasilip ng DOTr
  • Ang Hilux Class 1 Modern PUV ay 12-seater,may aircon, GPS at dashcam
  • Hindi aabot sa isang milyong ang presyo ng modern PUV ng Toyota

Ipinasilip ng Toyota Motor Philippines (TMP) at Department of Transportation (DOTr) ang Class  modern public utility vehicle (PUV) na sadyang ginawa para lang sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.

Imahe mula sa DOTr

Pinangunahan ni DOTr Sec. Art Tugade, kasama ang iba pang opisyal ng ahensya at ng TMP,  ang isinagawang test run sa prototype ng Hilux Class 1 Modern PUV na nagkakahalaga ng P998,000 per unit.

Sa Facebook post, sinabi ng DOTr na ang air-conditioned na 12-seater PUV ng TMP ay may makinang nakakasunod sa Euro-4 emission standard, may CCTV, Global Positiioning System at dashboard camera. PWD-friendly rin daw ang modernong PUV.

Ang Toyota modern PUV ay pasado sa PUV modernization requirements ng DOTr Omnibus Franchise Guidelines at ng Department of Trade and Industry.

“Modernization is not expensive, provided that you make the right choice. There is always a cheaper alternative,” pahayag ng kalihim.

Matatandaang isa sa mga inirereklamo ng mga PUV drivers at operators ang napakamahal na presyo ng mga modern PUV na aabot sa dalawang milyong piso ang presyo bawat isa.

Imahe mula sa DOTr

Umaasa si Sec. Tugade na mailalabas na ng TMP ang mga modernong PUV sa lalong madaling panahon dahil malaki raw ang maitutulong nito na tuluyang mapalawig ang PUV modernization program bago matapos ang termino sa panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw ng DOTr na ang Toyota modern PUV ay class 1 type.

“Ito po ay class 1 type modern PUV. Hindi po talaga ito kalakihan. It will depend on the operator kung ito po ang pipiliin nilang bilhin depende sa ruta at pangangailangan nila. If operators want a more spacious and bigger unit, they can opt to purchase a class 2 vehicle.  Sa Omnibus Franchising Guidelines kasi, may apat na PUV Class Replacements— Class 1 to 4 yon. Class 1 ‘yung pinakamaliit,” post ng DOTr sa Facebook.

Imahe mula sa DOTr