• Mas mahabang clearing operations ikakasa ng DILG
  • Kasalukuyang isinasapinal pa ang detalye ng ilalabas na memorandum circular hinggil sa operasyon
  • Ang panibagong road clearing operations ay tatagal ng 75 days

Magpapatupad ng bagong 75-day road clearing operations sa buong bansa ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa layuning mas mapaigting pa ang pagsisikap ng pamahalaan na maibalik sa mamamayan ang mga pampublikong lansangan.

Imahe mula sa PIA

Matapos ang ginawang paglulunsad ng ahensya sa “Disiplina Muna” campaign, isiniwalat ni DILG Assistant Secretary at Spokesman Jonathan Malaya na ang pakay ng panibagong clearing operations ay maipagpatuloy ang pag-aalis ng mga sagabal sa mga public roads matapos hindi makasunod sa utos ng DILG ang ilang local government units (LGUs) sa unang 60-day clearing operations.

Nauna nang isiniwalat ng DILG na sa 1,600 LGUs, 97 dito ang bigong makasunod sa inisyal na direktiba ng DILG. Sa kabila nito, sinabi ni Malaya na kuntento naman ang ahensya sa overall performance ng mga lokal na pamahalaan.

“We will launch another one kasi marami pang kalsada na kailangan pang ayusin. Another 75 days of road clearing at i-a-identify na namin ‘yung mga kalsada na kailangang linisin ng mga LGUs,” pahayag ni Asec. Malaya.

Ayon pa kay Malaya, naisyuhan na nila ng show cause order ang mga LGUs na hindi sumunod sa direktiba.

“The 60-day program was only focused on the major roads and secondary roads, so nakita naman natin na nagsumikap ‘yung mga LGU. But some did not, so ‘yung mga yun, naissue-han na namin ng show cause order,” aniya.

Imahe mula sa DILG

“Learning from the experience natin noong 60-day road clearing, kung walang suporta ang tao at hindi nila naiintindihan kung ano ito, wala ring magiging matagumpay na buo na programa,” paliwanag pa ng opisyal.

Sinabi ni Malaya na agad na gagawin  ang formal announcement ng panibagong clearing operations sa oras na maisapinal ang mga detalye ng ilalabas na memorandum circular.

Ang nationwide road clearing operations ay unang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong buwan ng Hulyo ng taong kasalukuyan.