• “Disiplina Muna” national campaign inilunsad ng DILG
  • Napili ng DILG na unang ilunsad sa Lungsod ng Maynila ang kampanya
  • Si Mayor Isko Moreno, dating aktor Diether Ocampo at dating reporter na si Jiggy Manicad ang mga ambassador ng kampanya

Inilunsad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang isang national campaign na naglalayong isulong ang kultura ng disiplina.

Imahe mula sa DILG

Tinawag na “Disiplina Muna” ang kampanya na ang intensyon ay buhayin at iangat ang kultura ng disiplina na magsisilbing tulay tungo sa tunay na pagbabago at nang maisakatuparan ang tunay na konsepto ng pamamahala kung saan ang mga mamamayan ay nakikilahok at nalalaman ang kanilang mga responsibilidad para makatulong na makamtan ang pag-unlad ng bansa.

Sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na ang “Disiplina Muna” ay usbong ng matagumpay na road clearing initiative ng pamahalaan.

Napisil ng ahensya na ilunsad ang kampanya sa Maynila dahil sa ipinakitang political will ng alkalde nitong si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

“Siya (Mayor Isko Moreno) ang unang napili dahil siya ang ready agad na tumalima sa challenge at dahil din sa mga naipakita niyang strong political will upang itama ang mga maling nakagawian sa Maynila,” saad ni Malaya.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

“Manila is the capital of the Philippines so it was just symbolic that we held it there. Mayor Isko is the first of many mayors that we will make into Disiplina Muna ambassadors,” sabi pa niya.

Nagpasalamat naman  si Mayor Isko na napili ng DILG na ilunsad ang kampanya sa kanyang lungsod.

“Kami’y natutuwa sapagkat despite our challenges, minabuti ninyong dito simulan ang programa. I hope we can achieve your expectations from us but if we fail, which we are not worried about, ipaalala ninyo sa ‘min kung ano ang tama,” anang alkalde.

Bukod kay Mayor Isko, ginawa ring ambassador ng kampanya ang dating aktor na ngayon ay isa nang Philippine Coast Guard Auxilliary Lieutenant Commander na si Diether Ocampo at ang dating mamamahayag na si Jiggy Manicad.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO