• Cainta Mayor Kit Nieto kinastigo ng DILG
  • Hindi raw naging magandang ehemplo sa publiko si Mayor Nieto
  • Si Mayor Nieto ay nabatikos dahil sa pagmomotorsiklo nang walang helmet

Sa kabila ng paghingi ng public apology, kinastigo pa rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang alkalde ng Cainta na si Johnielle Keith “Kit” Pasion Nieto dahil sa ginawa nitong pagmomotorsiklo nang walang helmet.

Imahe mula kay Mayor Kit Nieto

Hindi umano naging magandang ehemplo sa publiko si Mayor Nieto.

Ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Assistant Secretary Jonathan Malaya, walang ibinibigay na “special status” sa sinumang indibidwal na nahalal sa public office.

Binigyang-diin ni Malaya na dapat ay maging magandang halimbawa ang mga elected public officials sa lahat ng oras.

“How can we expect ordinary citizens to follow the law if they see their local officials flaunting or defying it and when called out, defend their right not to follow on the ground that he has signed a waiver?” sabi ng DILG official.

Matatandaang sinabi ni Mayor Nieto na bago pa man siya nagmotorsiklo nang hindi naka-helmet patungo sa kasalan sa isang simbahan ay pumirma na siya ng isang waiver upang walang sinuman ang dapat managot sakaling madisgrasya siya sa pagmomotorsiklo nang walang protective gear.

Imahe mula sa DILG

“Ang mayor ang kailangang manguna sa pagsunod sa batas hindi sa paglabag nito. Resorting to legal technicalities will not change the facts,” ani Asec. Malaya.

Ipinaalala ni Malaya ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat umaktong espesyal ang mga public officials dahil ang katotohanan ay pawang manggagawa lang sila ng pamahalaan.

Sa isang Facebook post ni Mayor Nieto, ipinakita niya ang pagpunta niya sa Land Transportation Office para magpa-ticket sa violation na nagawa niya at para tubusin na rin ang kanyang lisensya.

“Atm…dito na sa LTO Binangonan office…patiket sabay tubos ng lisensya. Gandang umaga Cainta,” anang alkalde.

Sinabi rin niya na sunod siyang pupunta sa DILG office para harapin ang anumang disciplinary action na posibleng ipataw sa kanya ng ahensya.

Imahe mula kay Mayor Kit Nieto