• House of Representatives tutol sa panukalang buwisan ang salty foods
  • Ang panukala ay tinawag na inflationary, highly repressive at anti-poor
  • Sinabi ng mga mambabatas na junk foods na lang ang buwisan dahil mataas din naman ang salt content nito

Hindi pa man pormal na naipiprisinta ng Department of Health (DOH) sa House of Representatives ang panukala nito na patawan ng buwis ang mga salty foods ay agad na itong tinutulan ng mga mambabatas.

Imahe mula sa Gayon Bicol

Bagaman at kinikilala ng House of Representatives ang babala ng DOH na may masamang epekto sa kalusugan ang mga maaalat na pagkain, ang pagpapataw ng sin tax sa mga ito ay magreresulta sa lubhang pagtaas ng presyo ng mga pagkaing karaniwang kinakain ng mga maralitang Pilipino tulad ng noodles, sardinas, daing, tuyo at iba pa.

Isa pa sa siguradong tatamaan ng pagtataas ng presyo sakaling patawan ng buwis ang mga pagkaing may high salt content ay ang processed meat products na sa ngayon ay may kinakaharap na problema bunsod ng African swine Fever ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman na si Rep. Joey Sarte Salceda.

Sabi pa ni Rep. Salceda, ang Kamara ay gumagawa ng batas sa pagbubuwis upang madagdagan ang kita ng pamahalaan pero binabalanse nila ang magiging epekto nito sa publiko, lalung-lalo na sa mga mahihirap na mamamayan.

Tinawag ni Salceda na “inflationary,” “highly repressive” at “anti-poor”ang panukala ng DOH dahil higit na maaapektuhan ang  mga mahihirap kaysa sa mga mayayamang Pilipino.

Rep. Joey Salceda/Imahe mula sa Politiko

Nagbigay naman ng sariling suhestyon si Congressman Salceda na sa halip na buwisan ang daing, tuyo, at iba pang pagkain na ginagamitan ng asin, mas mainam daw na ang mga junk foods na lang ang buwisan dahil mataas din naman ang salt content ng mga iyon.