• Mga kontrabando sa Bilibid, winasak
  • BuCor chief Gerald Bantag, pinangunahan ang pagwasak sa mga kontrabando
  • Kabilang sa mga winasak ang mga electronic gadgets na ginagamit ng mga inmates sa mga ilegal na transaksyon

Pinangunahan ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Gerald Bantag ang pagwasak sa napakaraming kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison kabilang na ang mga electronic gadgets na ginagamit umano ng mga inmates sa mga ilegal na transaksyon.

Imahe mula sa BuCor PIO

Gamit ang isang pison, winasak ng ilang BuCor personnel ang mga cellphones, pocket WiFi devices, wifi routers, laptops, mga produktong tabako, alak, at mga patalim na natagpuan sa mga kubol na giniba noong nakaraang buwan.

Sa ilang larawan na ibinahagi ng BuCor, makikita pa si Dir. Gen. Bantag na may hawak na maso para personal na wasakin ang mga kontrabando.

Sabi ni Bantag ang mga ordinaryong cellphone ay naibebenta ng mga tiwaling jail guards sa mga inmates sa halagang P40,000 hanggang P50,000, samantalang ang isang android phone ay aabot sa P200,000 ang bentahan sa loob ng national penitentiary.

Ang mga produktong tabako ay nagkakahalaga doon ng P4,000 kada rolyo at ang alak naman ay P10,000 kada botelya.

Isiniwalat ni Bantag na isang pulis ang nakatanggap ng alok na P150,000 kapalit ng kanyang cellphone mula sa isang Chinese inmate. At nang tanggihan ito ng pulis ay itinaas daw sa halagang P200,000 ang alok.

Imahe mula sa BuCor PIO

Sinubukan umanong arestuhin ng pulis ang nasabing inmate subalit nakatakbo ito at humalo sa mga kapwa Chinese inmates. Hindi na raw makilala ng police officer ang inmate na nag-alok dahil halos magkakamukha ang mga Tsinong preso.

Ibinunyag din ni Bantag ang mga natatangap na banta sa kanyang seguridad at planong dungisan ang kanyang pangalan dahil sa mga ipinatutupad niyang pagbabago sa Bilibid.

Handa raw siyang ipagpatuloy ang mga repormang nasimulan sa kabila ng mga banta laban sa kanya.

Imahe mula sa BuCor PIO