• Konstruksyon ng PNR South Long Haul Project masisimulan na sa 2020
  • Ang bidding para sa proyekto ay natapos ngayong buwan ng Nobyembre
  • Ang kontrata ay ipagkakaloob sa winning bidder sa Abril 2020

Inaasahang masisimulan na ang unang bahagi ng konstruksyon ng Philippine National Railways (PNR) South Long Haul Project na magsisimula sa Calamba City, Laguna hanggang sa Legazpi City, Albay sa 2nd quarter ng taong 2020.

Imahe mula sa Mindanation

Ipinahayag ni Albay Representative Joey Salceda, na matagal na ring nagsusulong sa nasabing proyekto, na ang bidding sa 408-kilometer segment ng PNR ay natapos na ngayong buwan ng Nobyembre at ipagkakaloob na ang kontrata sa winning bidder sa buwan ng Abril 2020.

“Finally, the  PNR South Railways project which we have tediously designed as a key that will unlock economic potentials of the vast Southern Tagalog and Bicol areas, will soon be a reality,” masayang pahayag ni Congressman Salceda na siyang orihinal na nagmungkahi ng proyekto.

Ang PNR South Long Haul Project ay bahagi ng 639-km PNR Long Haul mula Manila hanggang Sorsogon, at bahagi rin ng PNR Luzon System program na tatakbo mula Clark sa Pampanga hanggang Matnog sa Sorsogon.

Mula sa dating 11 hangggang 12 oras na biyahe gamit ang public land transportation o 7 oras gamit ang pribadong sasakyan, ang biyahe mula sa Maynila hanggang sa Legazpi City ay tinatayang iiksi sa limang oras na lang.

Imahe mula sa PNA

Magmula sa Maynila hanggang sa Matnog, Sorsogon ay magkakaroon ng siyam na malalaking train stations –  Maynila, Los Baños, Batangas City, Lucena, Gumaca, Naga City, Legazpi City, Sorsogon City at Matnog.

Ang PNR Luzon System program ay bahagi ng Build, Build, Build Infrastructure program ng Duterte administration.