• Angelica Panganiban pinagalitan ng pulis sa Italy sa pag-upo sa isang hagdanan
  • Sinita ng pulis ang aktres dahil bawal umupo sa hagdan na kung tawagin ay Spanish Steps, isang popular na tourist spot sa Italy
  • Masaya naman ang aktres dahil bago siya nasita ay nakapagpakuha na siya ng litrato na nakaupo sa Spanish Steps

Kasama sa pamamasyal ang pagpapakuha ng litrato sa mga lugar na napasyalan upang maging bahagi iyon ng magagandang alaala.

Imahe mula sa Instagram ni Angelica Panganiban

Ang aktres na si Angelica Panganiban ay may karanasang hindi malilimutan sa pamamasyal niya sa Italy dahil sa pagpapakuha ng litrato. Sa Instagram post niya noong October 29, sinabi ng aktres ang nangyari sa kanya sa isang lugar na binisita niya doon.

Aniya, sinita siya ng pulis dahil sa pag-upo sa isang hagdanan na isang tourist spot doon na kung tawagin ay Spanish Steps. Hindi raw niya inaasahan na mapapagalitan siya dahil sa pagpapakuha ng litrato habang nakaupo sa hagdanan na dumidiretso patungo sa Santissima Trinità dei Monti Church.

“For almost 28 years, I have been in front of the audience. Naramdaman ko paano mahusgahan. Paano panoorin ang bawat galaw mo. Paano magsalita, lumaban, para sa sarili mo. Sa pag-upo ko sa Spanish steps… nahusgahan ako… bawal pala umupo dito. Sorry na po mga pulis,” post ni Angelica sa Instagram.

“At least naka-isa,” sabi pa ng aktres, dahil bago siya nasita ay nakapagpakuha na siya ng litrato na nakaupo sa Spanish Steps.

Imahe mula sa Instagram ni Angelica Panganiban

Batay sa mga komento ng followers ni Angelica sa Instagram, ipinagbabawal na nga ang pag-upo sa Spanish Steps para hindi maharangan ang magandang view ng simbahan.

“Last year maraming taong nakaupo dyan, ngayon bawal na.”

“Bawal nga napagalitan din kami.”

Napag-alaman na may 400 euro na multang ipinapataw sa mga mahuhuling nakaupo sa Spanish Steps, pero hindi naman umano mahigpit na ipinatutupad ang multa. Sinisita lang ng mga bantay ang mga turistang umuupo doon.