Tatlong pinaghihinalaang kidnapper ang napasakamay ng pulisya matapos mahuli sa tatlong magkakahiwalay na lugar.

Dalawang babae at isang lalaki ang dinala sa kustodiya ng mga pulis at nahaharap sa kasong kidnapping kapag napatunayan.

Ayon sa isang Facebook user, nahuli ng pinsan niyang security guard ang babae na nagtangkang mandukot ng mga bata sa Novaliches, Quezon City. May isa pa umanong kasamahan ang suspek pero nakatalilis iyon.

Ngunit ilang netizens ang nagsabi na kilala at kapitbahay nila sa Muntinlupa City  ang nasabing suspek. Hindi raw ito kidnapper; bagkus ay may sakit sa pag-iisip at talagang mahiligin sa mga bata.

Ang isa pang babaeng suspek na sinasabing 70-taong-gulang na lola ay nahuli sa pagtatangkang manguha ng dalawang bata sa Marikina. Masuwerte umanong nakatakas ang bibiktimahin sana at agad na nakapagsumbong sa mga magulang kaya nahuli ang matandang babae.

Pinabulaanan din ng kaanak ng matanda na kidnapper siya.

Imahe mula sa Barangay Jesus Dela Pena

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Danny Coloma, anak ng suspek, sinabi nito na may Alzheimer’s disease ang ina. Nilinaw rin niya na 78-anyos na ang nanay niya at hindi 70-anyos kagaya ng napaulat.

Sinabi rin ng apo ng matanda, na kinilalang si Gazelle Sonza Coloma, na hindi masamang tao ang lola niya. Aniya, isang araw na raw nawawala ang lola niya at inaakala raw nito na mga apo niya ang bawat batang kanyang nakikita.

Samantala, ang lalaking suspek ay nadakip sa Barangay Commonwealth, Quezon City. Kinuyog muna siya ng mga residente bago dinala sa pulisya.

Namukhaan daw ng mga residente ang suspek na si Noli Rafael, 52-anyos, sa pamamagitan ng isang viral photo sa social media na nagsasabing kidnapper ito. Sa nasabing larawan ay may dala pa umanong gitara ang suspek.

Image capture mula sa video ng ABS-CBN

Ayon sa mga residente, modus operandi raw ng suspek ang mangaroling sa mga bahay-bahay upang makapagmatyag ng mga bibiktimahin.

May dala ring gitara si Rafael nang kuyugin ng mga tao, ngunit itinanggi nito na kidnapper siya. Binugbog lang daw siya ng pulis kaya napilitan siyang umamin. Pahayag naman ng mga pulis ay ang mga residente ang bumugbog kay Rafael.

Nilinaw rin ng pulisya sa Quezon City na bagama’t maraming kuwento hinggil sa mga nadukot na mga bata ay wala pa naman umanong report sa kanila na may mga nawawalang bata.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga suspek.

Noong nakaraang linggo, isang babae na kinilalang si Lilibeth Bustamante na nangunguha ng bata ang nahuli. Umamin siya na miyembro ng isang sindikato na nagbebenta ng mga bata sa mga banyaga na parokyano ng cybersex.  Nangako si Bustamante na makikipagtulungan sa mga awtoridad.

Image capture mula sa ABS-CBN video