Gumawa ng prosthetic robotic arm mula sa mga Lego bricks ang 19-anyos na si David Aguilar na ipinanganak na walang kanang braso dahil sa isang rare genetic condition.

Sinabi sa ulat ng ABS-CBN na ikaapat na model na ng makulay na prosthetic arm ang gamit ni Aguilar; isang estudyante ng bioengineering sa  Universitat Internacional de Catalunya sa Spain.

Screenshot mula sa video ni Hand Solo

Sabi ng teenager, pangarap niyang makapag-disenyo ng robotic limbs para sa mga nangangailangan nito na ang halaga ay abot-kaya.

Kung dati ay paborito niya itong laruin, ang mga plastic Lego bricks ang naging building material para sa unang bersiyon ng robotic arm na ginawa niya noong siyam na taong gulang pa lamang siya. At ang bawat bagong bersiyon ng robotic arm na gawa niya ay may mas maraming galaw ang kayang gawin kaysa sa nauna.

Screenshot mula sa video ni Hand Solo

Kuwento ni Aguilar, noong bata pa siya ay ninenerbiyos siya sa harap ng ibang bata dahil kakaiba ang kanyang hitsura, pero hindi raw iyon naging hadlang para maabot ang mga pangarap niya.

“I wanted to see myself in the mirror like I see other guys, with two hands,” aniya.

Ang lahat ng bersiyon niya ng prosthetic robotic arm ay naka-display sa kanyang kuwarto na nasa loob ng unibersidad. Ang pinaka-latest model ng kanyang robotic arms ay may marking na MK na sinusundan ng numero bilang pagkilala sa comic superhero na si Iron man at ang kanyang MK suits.

Isang presentation video ang ginawa niya sa kanyang YouTube channel na tinawag niyang “Hand Solo.” Ang layunin daw niya ay ipakita sa mga tao na walang imposible at hindi sila kayang igupo ng kanilang kapansanan.

Screenshot mula sa video ni Hand Solo

Kapag nakapagtapos na siya ng pag-aaral, sinabi ni Aguilar na gagawa siya ng murang prosthetic arms na maaari niya rin daw ibigay nang libre sa mga nangangailangan upang maramdaman nila kung paano maging normal.

“I would try to give them a prosthetic, even if it’s for free, to make them feel like a normal person, because what is normal, right?” saad ni Aguilar.