Isang may-edad nang babae ang naaresto matapos niyang tangkaing dukutin ang 10-taong gulang na batang babae sa Parañaque kamakailan lang.

Sa harap ng mga awtoridad at media ay inamin ng suspek na si Lilibeth Bustamante ang modus operandi ng kanilang grupo.

Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Bustamante na napilitan lang siyang  sumapi sa sindikato dahil walang hanapbuhay ang asawa.

Image capture mula sa ABS-CBN video

“Kumapit lang kasi ako sa patalim. Kung sa una-una, walang trabaho ‘yung asawa ko,” panimulang pagsisiwalat ng suspek.

Pag-amin ni Bustamante, mahigit 20 bata na ang nakidnap nila simula noong unang sumapi siya sa grupo noong Oktubre 2018.

Ang mga nadukot na nila ay mula sa ilang bayan ng Bulacan kagaya ng Calumpit, Hagonoy at Meycauayan at sa probinsiya ng Laguna. Sa Cavite nila target mandukot ng bata nang masakote si Bustamante sa kalapit na bayan ng Parañaque noong ika-19 ng Pebrero.

Image capture mula sa ABS-CBN video

“Hinawakan niya po ang kamay ko nang mahigpit. Tapos po nagpapasama po siya sa kung saan may malayong mapapagpa-load-an,” anang bata na tinangkang dukutin ni Bustamante sa BF Homes Parañaque na suwerteng nailigtas ng mga alertong kapitbahay.

Ang mga batang personal umanong nadukot ni Bustamante ay mula sa San Pedro at Sta. Rosa sa Laguna. Aniya, lima sila sa isang grupo at may kanya-kanya silang lugar na nakatoka kung saan mangingidnap.

Edad 12-anyos pataas at magagandang bata ang target nila at ibinebenta nila ang mga biktima sa mga dayuhang pedophile na parokyano ng cybersex. Ang mga pedophile ay nagbabayad umano ng mula P70,000 hanggang P100,000 kada bata.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Iyon po ang kailangan ng foreigner…’yung maganda ‘yung bata binabayaran nila minsan ng P70,000 …  P100,000,” anang suspek.

Ani Bustamante, P10,000 ang bayad sa kanila ng sindikato sa bawat madudukot nilang bata.

Ang mga miyembro ng sindikato na tulad niya ay may quota raw na dalawang bata kada linggo at kapag “pumalpak” daw sila sa isang araw ay ipagagawa ulit sa kanila ang operasyon kinabukasan.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Nag-aalok din umano ang grupo ng pautang, ngunit front lamang nila iyon upang makapagmanman ng mga bibiktimahin.

Nanawagan naman ang Parañaque PNP sa mga magulang na nawalan ng mga anak na makipag-ugnayan sa WCPD ng Parañaque City police station.