Nagulantang ang mga residente sa Barangay Pinsao Proper, Baguio City nitong Lunes ng hapon, Abril 30, 2018 sa pagguho ng itinatayong slope protection project ng Department of Public Works and Highways(DPWH).

Ayon kay Engr. John Buliyat, project engineer sa DPWH, nagkakahalaga ng Php 3.4 milyon ang pondong inilaan mula sa 2018 regular infrastructure program ng DPWH para sa nasabing proyekto, na nagsimula noong Pebrero at target na matapos sa huling linggo ng Mayo.

Tiniyak ng project engineer na de-kalidad naman ang mga kagamitang ginamit ng contractor kaya labis silang nagulat sa mga pangyayari.

“Makikita natin ‘yung mga bakal, talagang nakalagay naman diyan, ‘yung cause nitong problem is na-saturate na itong lupa natin, ‘yung curing period natin eh sumabay ang ulan, hindi na natin nakuha yung strength niya,” paliwanag ni Buliyat.

Ayon naman kay Frances Ivy Carasi, information officer ng Office of Civil Defense, posible raw na ito ang dahilan ng pagguho ng lupa.

“Saturated na ‘yung lupa that is one of the reasons why na tinitignan natin kung bakit nagkaroon ng landslide sa Tam-awan Village.”

Dahil sa naturang pagguho, pansamantalang nawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Puguis at Lamtang, La Trinidad.

Inayos naman ng Benguet Electrc Cooperative, Inc. (Beneco) ang linya ng kuryente ng mga naapektuhan sa Barangay Pinsao Proper.

Tinatayang nasa P500,000 ang nasira sa slope protection project ng DPWH at nasa P500,000 din ang nasirang dalawang transformer at poste ng Beneco.