Inendorso ng House of Representatives Committee on Public Order and Safety ang Bill 1035 na naglalayong ipagbawal ang karaoke at videoke systems sa mga residential areas.

Ayon sa ulat ng Philstar, layunin ng panukalang batas na inakda ni Quezon Rep. Angelina Tan na harapin ang problema sa noise pollution at iba pang hindi kinakailangang pang-iistorbo sa publiko na nagagawa ng mga nabanggit na sound amplifying equipment sa mga kabahayan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Rep. Tan na ang noise o ingay ay nagdudulot ng abala sa konbersasyon, abala sa pagtulog at may negatibong epekto sa ilang uri ng trabaho. Sanhi rin ito ng high blood pressure at iba pang cardiovascular problems, gayundin ng nervous disorders.

Aniya, ang pinakamalaking source ng ingay sa residential areas ay ang mga karaoke at videoke systems. At kadalasan pa umano ay nasa kalye o gilid ng mga lansangan ang mga gumagamit ng mga iyon.

Sa ilalim ng panukala ni Rep. Tan, kapag naririnig ang tunog mula sa karaoke o videoke sa layong 50 talampakan ay isa na umano iyong ebidensiya ng paglabag. Kung maisasabatas ang panukala, papatawan ng hanggang anim na buwang pagkabilanggo at P1,000 multa ang sinumang lalabag.

Sources :

Philstar, Twitter